MANILA - Kahit na umalis na sa Nexplay EVOS, nagpahayag ng kaniyang pasasalamat sa organisasyon ang batikang si John Paul "H2wo" Salonga.
Sa isang mahabang pahayag nitong Martes, matapos ianunsiyo ang kaniyang pag-alis sa Nexplay, kinilala ni H2wo ang pagbangon ng kaniyang karera sa kaniyang pananatili dito.
"Hindi ko nakita sarili ko na mapapasama sa post na 'Thank you' dahil simula umpisa hindi lang ka-trabaho at trabaho tingin ko sa mga tao sa NXPE at sa mismong bootcamp, pamilya na turing ko sakanila," ani H2wo.
"Alam ko wala ako dito sa posisyon at ginhawa ng buhay na ito kung hindi rin dahil sa kanila at sa mga taong sumusupporta sa akin at sa amin," dagdag niya.
Nagpasalamat din siya sa mga dating kakampi, partikular na sa mga unang nakasama gaya nina Renejay "Renejay" Bacarse at Tristan "Yawi" Cabrera na pawang tumulak na papunta sa ibang koponan.
"Renejay, mahal kita kapatid. Mag excel ka sana sa team mo na bago at sa lahat ng ginagawa mo. Yawi, dito tayo nag kakilala. Mahal din kita kapatid, ayusin mo mga desisyon mo sa buhay. Habol kame ni Renejay sa’yo, hintayin mo kame," ani H2wo.
Sina Yawi, Renejay, at H2wo ang tinaguriang "Big Three" ng Nexplay nang pumasok ito sa MPL Philippines. Maaalalang nakamit na ni Yawi ang world title sa ilalim ng Echo Philippines nitong Enero.
Nagbalik-tanaw din si H2wo sa kaniyang utang na loob kay Setsuna "Dogie" Ignacio, na nagpasok sa kaniya sa organisasyon.
"Habang buhay ko pang hahawakan pinag samahan naten. Alam ko hindi ko lagi nasasabi ‘to pero seryoso mahal kita kahit ano mangyari," ani Dogie.
Nagpasalamat din siya sa mga dating kakampi sa Nexplay Solid na si Chester at MB na pawang mga content creator na rin. Nagpasalamat din siya sa kaniyang nobya, ang influencer na si Mika Salamanca.
Pangako naman ng jungler na papatunayan niya muli ang kaniyang sarili sa bagong koponan, na tinaguriang Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup champions.
"These past few seasons alam ko hindi ako nag excel pero hayaan nyo ako patunayan ulit sarili ko sainyo. Ta-try ko best ko para makabawi. New season, new environment!"
Unang sasalang ang RSG Philippines kontra Onic Esports sa Pebrero 19.