MULTIMEDIA
Patrol ng Pilipino: Lider ng Socorro Bayanihan, iginiit na hindi sila ‘kulto’
ABS-CBN News
Posted at Sep 26 2023 01:16 AM
MAYNILA – Hindi totoo.
Ito ang sagot ng Socorro Bayanihan Services, Inc. at kanilang mga taga-suporta sa mga akusasyon laban sa kanilang grupo.
Idinidiin ang grupo sa mga paratang ng mga dating miyembro nito ng pang-aabuso sa mga menor de edad gaya ng pagpapakasal, panghahalay, at child labor.
Inaakusahan din sila ng iligal na pangongolekta ng ayuda sa 4Ps at pagbebenta ng droga.
Itinanggi ng lider ng grupo na si Jayrence Quilario o mas kilala sa tawag na “Senior Agila” na kulto sila at sa halip, isang organisasyon na nakasentro sa pagbabayanihan.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng CHR at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga paratang.
Bumisita sa komunidad sa Socorro, Surigao del Norte ang Commission on Human Rights (CHR) nitong Setyembre 22. Sinalubong sila ng isang cultural presentation para ipakita ang umano’y maayos at payapa nilang pamumuhay.
– Ulat ni Niko Baua, Patrol ng Pilipino