ALAMIN: Mas mataas na multa vs illegal parking simula Enero 7

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 03:06 PM | Updated as of Dec 19 2018 07:23 PM

(UPDATE) Mas mataas na multa ang ipapataw sa mga motorista na mahuhuling ilegal na magpaparada sa kalsada simula Enero 7, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). 

Naunang sinabi ng MMDA na nitong Miyerkoles na aarangkada ang mas mataas na multa, batay sa Regulation No. 18-008 ng ahensiya. 

Pero ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, nakatanggap umano ng mga reklamo ang ahensiya na kaunti lamang ang nakakaalam na ngayon ipapataw ang mga mas mataas na multa kaya naurong ito. 

Kapag naipatupad, P1,000 na mula sa orihinal na P200 ang ibabayad ng mga lalabag sa illegal parking for attended vehicles, o iyong mga mahuhuling ilegal na nakaparada na may sakay o bantay. 

Samantala, P2,000 naman mula P500 ang multa sa illegal parking for unattended vehicles, o mga mahuhuling sasakyan na walang bantay. 

Papatawan naman ng P1,000 na multa mula sa dating P150 ang mahuhuli sa obstruction o mga sasakyang nakahambalang sa daan.

Dahil sa ordinansa, bawal pumarada ang mga sasakyan sa lahat ng kalsada, pati na sa tapat ng mga bahay na pag-aari o tinitirhan ng may-ari ng mga pribadong sasakyan. 

"Ang linaw ng batas eh, ang kalsada ay para sa sasakyan hindi naman ginawa 'yan para parking space eh," ani MMDA General Manager Jojo Garcia sa isang press conference nitong Miyerkoles. 

Maaari ring bigyan ng bagong ticket ang mga lalabag kapag hindi tinanggal ang sasakyan kada tatlong oras matapos lagyan ng ticket ang sasakyan, ayon kay Pialago. 

Sa tantiya ng MMDA, aabot sa P6,000 ang maaaring imulta sa mga ilegal na paparada nang buong araw. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero paglilinaw ni Garcia, pinapayagang pumarada sa tapat o gilid ng bahay o establisimyento mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw, na magsisilbing "window hours," o panahon para puwedeng iparada ang mga sasakyan. 

Hindi rin nila sisitahin ang mga sasakyang nasa pribadong subdivision na paparada sa harap ng kanilang mga bahay, ayon kay Garcia. 

Bagama't may mga ordinansa ang ilang barangay na pumapayag sa one-side parking, iginiit ni Garcia na hindi ito maaaring gamitin 
bilang basehan ng mga paid parking areas. 

Pinaalala ng MMDA na hindi pinapayagang irehistro ang sasakyan ng mga lalabag na hindi magbabayad ng multa. 

Maaaring magbayad sa Bayad Center o sa MMDA headquarters sa Makati ang mga kailangang magbayad ng multa. 

-- May ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.