TIPS: Paano makatitiyak na lehitimo ang napiling recruitment agency?

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2019 04:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Problema pa rin ngayon ang paglipana ng mga illegal recruiter na gumogoyo sa mga nais maging overseas Filipino worker (OFW).

Bago mag-apply ng trabaho sa recruitment agency, may ilang paalala ang abogadong si Claire Castro para malaman kung legal ang kinakausap na ahensiya. 

Una, maaaring pumunta sa tanggapan ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) para matingnan kung accredited nila ang recruitment agency. 

Naroon kasi ang mga lisensiya ng mga accredited na recruitment agency. 

"Punta sa POEA kung legal. Kasi andun 'yung mga license ng mga agencies. Tingnan mo kung maganda ang record kasi diyan makikita 'yung cases," ani Castro sa programang "Usapang de Campanilla." 

Kung nalalayuan sa tanggapan ng POEA, maaaring pumunta sa pulisya o sa korte ng lugar kung saan naroon ang recruitment agency para malaman kung may nakabinbin itong kaso. 

RED FLAGS 

Gayunpaman, pinaalala ni Castro na may ilang nakakalusot pa ring mga ahensiyang accredited na maaaring gumawa ng ilegal na pagre-recruit. 

Halimbawa rito paniningil nang sobra para sa mga papeles ng aplikante. 

"Kapag naniningil ka more than sa required... that's illegal recruitment," ani Castro. 

Maituturing din na illegal recruitment ang pagbabago ng trabaho mula sa unang inalok. 

"Halimbawa, legal ka pero ang kontratang binigay sa iyo ikaw ay magiging caregiver pero pagdating doon iba pala ang gagawin mo so it's illegal recruitment," paliwanag ni Castro. 

Patong-patong na kaso ang maaaring isampa sa mga magsasagawa ng illegal recruitment gaya ng paglabag sa Republic Act No. 10022 o Migrant Workers Act na may kulong na 12 hanggang 20 taon at multang P1 milyon hanggang P2 milyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.