POEA: Job orders, status ng ahensiya beripikahin muna

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2019 11:02 AM | Updated as of Nov 29 2019 11:10 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Hinihikayat ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga naghahanap ng trabaho sa abroad na tiyakin munang lisensiyado ang ahensiyang kanilang lalapitan nang maiwasan ang maging biktima ng illegal recruiters.

"May database tayo, magtanong po sila, mag-verify sila sa ating website makikita ang kumpletong listahan ng ating mga lisensiyadong recruitment agencies doon at saka yung registered job orders," pahayag ni POEA Administrator Bernard Olalia sa DZMM.

Hiling ni Olalia na agad na ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan o sa awtoridad kapag naberipika nilang hindi lisensiyado ang kausap nilang recruiter.

"Illegal recruiters, ito po yung hindi lisensiyado at hindi awtorisadong mag-recruit ng ating OFWs," sabi ni Olalia.
 
Ayon kay Olalia, maraming requirement ang kailangan ng isang OFW para makapagtrabaho ng legal sa abroad. Isa na rito ang pagkakaroon ng job order sa bansang kanilang nais puntahan at personal na pagkuha ng birth certificate, pasaporte at pagdalo sa Pre-Departure Orientation Seminar para mabigyan din sila ng certificate.

"Marami po tayong personal appearances na dapat puntahan ng mga aplikante pero nakakalusot pa rin kasi nga po peke," sabi ni Olalia.

Nitong Huwebes, ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang crackdown sa mga naglipanang illegal recruiter na nangaabuso sa mga OFW.

Inihalintulad pa ni Duterte ang illegal recruiters sa mga nagtutulak ng ilegal na droga.

"Meron po tayong maigting na kampanya laban sa mga illegal recruiters. Tayo po ay nakikipag memorandum of agreement sa mga LGUs (local government units), sa iba't-ibang ahensiya at sa mga civil society groups at NGOs (non-government organizations) upang sa ganun paigtingin natin ang ating kampanya laban po sa illegal recruitment," paliwanag ni Olalia.

Magugunitang nitong taon din ipinangako ni Duterte ang pagtatag ng isang departmento na tututok sa mga OFW.

Samantala, nagpalabas na rin ng advisory ang POEA hinggil sa polio vaccination requirements ng ilang bansa.

"Kinakailangang mag-comply tayo kung hindi, 'di po sila papapasukin sa bansa," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.