ALAMIN: Anong gagawin kapag may nagkasintomas ng COVID-19 sa face to face classes?

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2021 03:58 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA – Paano nga ba ang gagawin kung nagpakita ng sintomas ng COVID-19 ang isang mag-aaral na pumapasok sa eskuwelahan para sa face-to-face classes?

Ayon kay Department of Education (DepEd) Planning Service Director Roger Masapol, may isolation area ang mga clinic ng mga paaralang lalahok sa pilot implementation ng limited face-to-face classes simula Nobyembre 15.

“Isa po sa requirement ng ating school city assessment tool na ginamit ng DepEd sa pag-determine kung anong mga school ang eligible, ang pagkakaroon po ng mga handwashing [station], clinic, at yung isolation space doon sa clinic,” kuwento ni Masapol sa TeleRadyo.

“So…halimbawa, isang kaso, na mayroong nag-exhibit ng symptom, ang first step na gagawin ng adviser ng klase is dadalhin siya doon sa clinic na meron araw-araw naka-station na nurse doon, at ida-diagnose o kaya titingnan ang dapat na gawin next step,” paliwanag ni Masapol.

“So habang inaalam at kinocoordinate ang mga gagawin, yung bata nandoon sa isolation space doon sa clinic,” aniya.

“So pag nalaman na, tatlo ang pwedeng gawin for example: pauwiin at i-isolate, possible rin na i-subject na agad sa testing, at pangatlo kung medyo malala, kung kailangan dalhin sa ospital, dadalhin sa ospital.”

Ani Masapol, maaaring makipag-ugnayan ang eskwelahan sa lokal na pamahalaan para ambulansya na maaaring gamitin sakaling kailanganin ito.

Nasa 100 eskwelahan ang lalahok sa pilot implementation ng limitadong face-to-face classes ngayong buwan. 

Una nang sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na dapat na may contingency plan ang mga eskwelahang ito sakaling may mag-positibo sa COVID-19 sa kanilang mga mag-aaral or personnel.

Sa ilalim ng joint memorandum circular sa pagitan ang DepEd at Department of Health, kailangan may hotline o help desk ang mga paaralan na mag-uugnay sa kanila sa iba-ibang ospital, testing center, at ahensya ng lokal na pamahalaan.

--TeleRadyo, 10 November 2021