MAYNILA - Ramdam na sa iba’t ibang mga lalawigan sa Pilipinas ang hagupit ng bagyong Paeng.
Sa bayan ng Bato sa Leyte, ilang mga bahay ang nasira dahil sa malakas na ulan at pagbaha.
Sa mga larawang ibinahagi ni Stella Lucie Armada Abaa ay makikita ang ilang kabahayang nasira. Ang ilan ay nalubog sa tubig.
Ang ilang kabahayan na ay nasa sandbar kaya nasira ng malakas na hampas ng alon.
Larawan mula kay Stella Lucie Armada Abaa
Sa bayan namna ng Numancia sa Aklan, gumuho ang bahagi ng Old Kalibo Bridge dahil sa bagyo.
Screen grab mula sa video ni Romar Smith.
Inilikas rin ang ilang mga Badjao na nakatira sa Surigao City dahil sa epekto ng bagyo.
Sa Capiz, isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa Barangay San Roque sa bayan ng Tapaz.
Kinilala ang biktima na si Jaypee Buendia, 28 taong gulang at residene ng President Roxas, Capiz.
Ayon sa Tapaz Police, tumawid sa ilog ang biktima kasama ang kanyang kaibigan alas-10 ng umaga ng Huwebes ng biglang tumaas ang tubig sa ilog.
Nakakapit ang kanyang kaibigan ngunit inanod ng malakas na baha si Buendia.
Sa ngayon, siya ang pinakaunang casualty ng bagyong Paeng na naitala sa Capiz.
Samantala sa Isabela, tatlong tulay ang hindi na madaanan dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog.
Hindi na madaanan ang tulay na nagdurugtong sa mga bayan ng Cabagan at Santa Maria sa Isabela, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Cabagan.
Lubog na rin sa tubig ang nasabing tulay dahil sa pag-apaw ng ilog bunsod ng patuloy na pag-ulan.
Bandang alas-2:40 ng hapon nang isara rin ang Cansan-Bagutari bridge na nagdurugtong sa bayan ng Cabagan at Santo Tomas matapos na masapawan din ng ilog.
Sa Ilagan City naman, sarado na rin ang Baculud Bridge matapos na malubog sa tubig dahil sa pagtaas ng lebel ng ilog.
Larawan mula sa MDRRMO Cabagan
Ayon sa huling ulat ng PAGASA, bahagya pang lumakas ang bagyong Paeng habang papalapit sa mga lalawigan ng Northern Samar, Sorsogon, at Albay.
Kasalukuyang nakataas ang Signal No. 2 sa mga lalawigan sa Bicol region at Eastern Visayas.
Inaasahang magla-landfall ang bagyong Paeng sa bahagi ng Northern Samar Biyernes ng gabi.
KAUGNAY NA ULAT
- may ulat nina Rolen Escaniel, Harris Julio, Charmane Awitan, Jenette Ruedas
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Paeng, PaengPH, Bagyong Paeng, Northern Samar, Leyte, Isabela, Surigao City, weather, regional news, Tagalog news