Mga taga-Bicol nababahala sa bagong bagyo; mga magsasaka maagang nag-ani | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

News

Mga taga-Bicol nababahala sa bagong bagyo; mga magsasaka maagang nag-ani

Mga taga-Bicol nababahala sa bagong bagyo; mga magsasaka maagang nag-ani

ABS-CBN News

Clipboard

TABACO CITY, Albay — Linggo ng gabi nang maramdaman ang hagupit ng bagyong Quinta sa probinsiya ng Albay partikular sa San Miguel Island sa Tabaco City kung saan unang nag-landfall ang bagyo.

Kinaumagahan ay kita ang pinsala ng bagyo sa isla lalo na sa mga pananim na saging sa Barangay Sagurong. Marami ang nasira dahil sa malakas na bayo ng hangin.

May mga bahay ding nasira sa pananalasa ng bagyong Quinta.

Kaya ngayon pa lang, nangangamba na naman ang mga residente sa panibagong bagyo na posibleng tumama na naman sa Bicol region.

ADVERTISEMENT

Ang ibang magsasaka, nag-ani na nang maaga para hindi maperwisyo ng masamang panahon ang kanilang tanim.

Ngayong Miyerkoles ay abala na si Jovencio Leron sa pag-ani ng mga palay na pinadapa rin ng bagyong Quinta.

Dapat Nobyembre 5 pa sana ito aanihin, pero dahil sa paparating na bagyo ay nagmadali silang anihin ito.

Ayon sa Office of Civil Defense ng Bicol, tama na ngayon pa lang ay naghahanda na, lalo na ang mga residente na nasa mga peligrosong lugar.

"Yun ating mga landslide-susceptible areas since tatlong weather disturbance ang dumaan, so malalambot pa rin ang lupa hanggang ngayon," ani Gremil Alexis Naz, information officer ng OCD-Bicol.

Ayon pa sa OCD, dapat mahigpit na ipatupad ang no-sailing policy.

Sa Catanduanes kasi, 3 bangkay na ang nakuha. Mga mangingisda ito na nawala sa karagatan sa kasagsagan ng bagyong Quinta.

Watch more in iWantv or TFC.tv


—Ulat nila Karren Canon at Jose Carretero

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.