'Sobra pong napakasakit': Mga magsasaka sa Albay nanlumo sa pinsala ni Quinta

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2020 08:38 PM

Sa tala ng Albay Provincial Agriculture Office, nasa P298,583,828 na ang pinsala sa agrikultura ng bagyo, pinakamarami sa palayan na umabot na sa P149 milyon. Retrato mula sa drone shot ng Aksyon Ko Online TV

OAS, Albay — Bawat butil ng palay ay mahalaga para sa magsasakang si Martin Aguilar kaya labis ang panlulumo niya nang mawasak ang mga pananim niya dahil sa hagupit ng bagyong Quinta. 

Matapos kasi ang ilang buwan niyang paghihintay na mahinog, halos hindi na mapapakinabangan pa ang mga ito, na lubog na sa tubig-baha. 

"Sobra pong napakasakit kasi wala na nga kaming kikitain diyan, lugi na nga kami dahil iyan dapat maanihan ng 50 o 100 kaban, ngayon baka maanihan na lang ng 30 kaban," hinaing ni Aguilar. 

Nanghihinayang din ang iba pang mga magsasaka dahil nalubog din sa baha ang mga palay nila.

Kuwento ng mga magsasaka, maganda sana ang bunga ng mga palay ngayon. Pambawi sana ito sa mababang presyo ng palay na umaabot na lang sa P11 kada kilo.

Pero dahil sa bagyong Quinta, ayon sa mga magsasaka, halos wala nang matitira sa kanila.

"Mapapakinabangan pa ito kaya lang may amoy na ang bigas nito," sabi ni Alberto Rechaco, magsasaka. 

Si Tony Osma, sa isang linggo pa sana aanihin ang palay pero halos wala na ang mga butil dahil sa lakas ng hanging dala ng bagyong Quinta. 

"Ito, aanihin ito next week pa pero wala nang mangyayari kasi almost laglag na ang magagandang palay. Ang magagandang butil laglag na," aniya. 

Sa tala ng Albay Provincial Agriculture Office, nasa P298,583,828 na ang pinsala sa agrikultura ng bagyo, pinakamarami sa palayan na umabot na sa P149 milyon.

"Tulong mula sa pamahalaan ang hiling ngayon ng mga apektadong magsasaka lalo ngayon... Tila binabalewala lang ng mga rice traders dahil sa napakababang presyo nito," ani Che Rebeta, provincial agriculturist.

—Mula sa ulat ni Jose Carretero

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.