La Niña, malaking tulong sa pagtaas ng lebel ng tubig sa mga dam: NWRB

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2020 06:56 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Malaking tulong ang mga pag-ulan at ang nagdaang bagyong Pepito para makabawi muli ang mga dam, ayon sa National Water Resources Board.

“Mula pa nang magsimula itong October ay ito pong low pressure areas at ito pong mas recent na bagyong Pepito ay nakatulong na ma-recharge ang mga dam natin,” sabi ngayong Huwebes ni Dr. Sevillo David Jr., executive director ng NWRB.

Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni David na naka-rekober ang mga dam, partikular na ang Angat Dam, na pinagkukunan ng suplay ng tubig para sa kalakhang Maynila.

“Mula nung 178 meters nung magtapos nung September, sa ngayon 191.57 (meters ang) level ng Angat Dam. Malaki po ang naitulong nitong pag-ulan dulot ng low pressure area at bagyo,” sabi niya.

Sa kanilang pagtaya, posibleng maging mas mataas pa sa 212 meters ang lebel ng dam bago magtapos ang taon kung magtutuloy-tuloy ang La Niña.

“Sa tinging po natin, magkakaroon tayo ng sapat na supply ng tubig para sa kababayan natin, partikular sa Metro Manila, kasama na rin yung pangangailangan ng mga kasama nating magsasaka para sa irigasyon sa Bulacan at Pampanga,” sabi niya.

Pero patuloy pa rin aniya silang nagbabantay sakaling magkaroon ng pagbabago. Sa ngayon, maganda umano ang mga projection ng PAGASA, at walang dam ang nasa kritikal na lebel ngayon.

“Umasa po tayo, itong La Niña, magpapatuloy para patuloy din ang pag-angat ng lebel ng mga dam natin,” dagdag niya.