Mga guro isinakay sa timbulan para makatawid ng ilog sa Oriental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2020 12:26 PM

Watch more in iWantTFC

Sa gitna ng malakas na agos, lakas-loob na inalalayan ng isang ama ang kaniyang anak na guro at mga kasamahan nito sa pagtawid ng ilog sa Bongabong, Oriental Mindoro.

Ayon sa isa sa mga tinulungang guro na si Daisy Mae Anthony Paala, normal sa kanila ang tumawid ng ilog at umakyat ng bundok para maabot ang pinapasukang paaralan sa komunidad ng mga katutubong Mangyan.

"Sa regular na pasok namin, talagang mayroong ilog kaming tinatawid... Lalakad kami ng dalawa't kalahating kilometro, ta's tatawid kami ng ilog, aakyat kami ng bundok," kuwento ni Paala ngayong Martes sa TeleRadyo.

Pero noong hapon ng Huwebes, tumaas ang tubig sa ilog at lumakas ang agos, dahilan para magduda si Paala at 5 niyang kasamahan kung makauuwi pa sila.

Ayon kay Paala, nadatnan sila mula sa kabilang ibayo ng ilog si Noli Balontong, ang 54 anyos na ama ng kasamahan nilang guro na si Russel.

Kumuha umano si Noli ng timbulan at sinundo ang mga guro mula sa kabilang ibayo.

Nasa 2 guro umano ang kayang isakay ng timbulan sa bawat tawid nito. Makikita rin sa mga retrato na inaalalayan ni Noli ang mga guro habang tumatawid.

Ayon kay Paala, labis ang kanilang pasasalamat sa ama ng kasamahan.

"Nagkaroon kami ng pag-asa na makakauwi kami noong araw na iyon. Kasi iniisip po namin, 'yong mga uuwian namin, mag-aalala kasi walang signal sa lugar na 'yon," aniya.

Noong nakaraang linggo, muling nagsimula ang klase sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng distance learning.

Ipinagbabawal pa rin kasi ang pagdaraos ng face-to-face classes dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.