PatrolPH

'Mahirap po': Mga estudyante nangangapa pa sa blended learning

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2020 08:41 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Tinatayang nasa higit 24 milyong mag-aaral sa buong bansa ang sumabak sa unang araw ng pasukan sa kalagitnaan ng pandemya.

Pero dahil bago ang pamamaraan, maraming mga estudyante ang nangangapa pa rin kung paano mairaraos ang ganoong uri ng pag-aaral.

Isa na rito ang grade 6 student na si JM Periña.

Sa Martes at Huwebes pa ang online class nila kasama ang teacher pero ngayong Lunes ay nag-video chat na sila ng ilang kaklase para maghanda.

"Mahirap po... Kasi po nagha-hang 'yung cellphone namin, namamatay-matay po eh," aniya.

Nagtatanungan sila ng mga dapat gawin at sinusubukang sagutan ang kanilang mga module.

Dahil bumibigay ang cellphone, walang magawa ang bata kundi maghintay at maghabol sa usapan ng mga kaklase na hindi niya naabutan.

Ayon sa Department of Education (DepEd) nasa 24,753,906 ang mga mag-aaral na lumahok sa unang araw ng pasukan.

Inaasahang madadagdagan pa ang mga mag-aaral dahil tatanggap pa ng late enrollees hanggang Nobyembre 21.

Ayon sa DepEd, mahalaga ang papel ng self-learning modules at TV at radio learning kaakibat ng online classes para tuloy-tuloy ang pag-aaral ng mga bata.

—Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.