PatrolPH

Higit P12 milyong halaga ng ilegal na droga nasabat sa mga operasyon sa Mandaluyong, Maynila

Anjo Bagaoisan , ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2021 06:24 AM | Updated as of Oct 07 2021 06:38 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Labindalawa ang inaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Mandaluyong at Maynila.

Halos 2 kilo o P12.6 milyon ang halaga ng shabu na nasabat sa mga operasyon.

Timbog ang 3 lalaki sa buy-bust ng PDEA Calabarzon at Mandaluyong police sa parking lot ng fast-food chain sa Barangay Malamig, Mandaluyong noong Lunes.

Nakalagay ang nasabat na isang kilo o P6.8-milyong halaga ng shabu sa tea bag. Sinabat din ang kanilang gamit na cellphone at sasakyan.

Sa San Miguel, Maynila, hinuli si alyas Lastrifa, 67, sa isang bahay sa Barangay 648 Lunes ng gabi dahil sa umano’y pagtutulak ng droga.

Ayon sa Barbosa Police, itinuturing ang suspek na source ng droga sa Quiapo.

Nahulihan ang senior citizen ng 16 sachet ng shabu na mahigit 700 gramo o halos P5 milyon ang halaga.

Samantala, timbog naman ang 3 babae at 3 lalaki sa buy-bust sa Raxabago St. kanto ng Juan Luna sa Tondo.

Unang inaresto ng Abad Santos police si alyas Mata, 24, habang hinuli ang iba nang maaktuhang gumagamit umano ng droga.

Nahulihan sila ng nasa 100 gramo ng shabu na may halagang P680,000.

Ayon kay Manila Police District (MPD) director Brig. Gen. Leo Francisco, wala munang maibigay na dagdag na detalye sa operasyon ng mga suspek dahil patuloy pa ang pag-iimbestiga sa kanila at pagtunton sa iba pang sangkot sa bentahan ng shabu.

Samantala, inaresto ng MPD Drug Enforcement Unit ang mag-live-in partner sa buy-bust sa Barangay 455 sa Sampaloc.

Binilhan si alyas Boss ng P500 ng umano’y shabu pero nahulihan ng 10 sachet o P136,000 halaga ng droga.

Nahaharap ang mga suspek sa kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.