PatrolPH

Daan-daang residenteng binaha sa Candaba, Pampanga hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2022 03:20 PM | Updated as of Oct 03 2022 08:19 PM

Namahagi ng tulong ang ABS-CBN Foundation sa mga residente ng Candaba, Pampanga na binaha bunsod ng mga ulang dala ng Bagyong Karding. Retrato mula sa ABS-CBN Foundation
Namahagi ng tulong ang ABS-CBN Foundation sa mga residente ng Candaba, Pampanga na binaha bunsod ng mga ulang dala ng Bagyong Karding. Retrato mula sa ABS-CBN Foundation

Hinatiran ng tulong ng ABS-CBN Foundation ang mga residente mula Candaba, Pampanga na nakaranas ng pagbaha dahil sa ulang dala ng Bagyong Karding.

Nasa 332 residente ng Barangay Pulong Gubat ang nakatanggap ng relief packs na naglalaman ng bigas, mga de-lata at hygiene kit, habang 769 residente naman sa Barangay Dulong Ilog ang tumanggap ng ayuda.

"Buti dumating 'yong ABS-CB, natulungan niyo kami. Nagpapasalamat kami," sabi ni Eddie Santos, barangay chairperson ng Pulong Gubat.

Kasama sa mga nabigyan ng tulong ang 58-anyos na si Thelma Ignacio.

Pansamantalang natigil sa paghahabi ng sumbrero si Ignacio para asikasuhin ang bahay nilang nabaha at tumabingi bunsod ng pananalasa ng Karding.

"Noong dumating 'yong tubig namin, nalaman ng apo ko, sabi ng apo ko, 'Lola, tubig!,' sabi niyang ganyan, nag-panic kami... kaya lumikas na kami," kuwento ni Ignacio.

Watch more News on iWantTFC

Apektado rin ng bagyo si Romeo Patawaran, na natigil sa pamamasada bilang tricycle driver bunsod ng baha sa lugar.

"Sa ating mahal na Pangulo, 'wag po sana niyang hindi pansinin 'yong mga ganitong nangyari sa ating kasalukuyan. Bigyan niya ng atensiyon," panawagan ni Patawaran.

Hindi bababa sa 12 ang naiulat na nasawi bunsod ng pananalasa ng super typhoon Karding, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.