PatrolPH

Mga computer at laptop malabo nang lagyan ng SRP, ayon sa DTI

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2020 04:56 PM

MAYNILA - Malabo nang lagyan ng suggested retail price (SRP) ang mga laptop at desktop computer sa harap ng tumataas na demand para rito, ayon sa opisyal ng Department of Trade and Industry.

Paliwanag ni Trade Undersecretary Ruth Castelo, maya't maya ay nagbabago ang mga specification ng mga computer.

Marami rin daw anilang promo at hindi naman nagtaas ng presyo ang mga pamilihan - batay sa survey na isinagawa ng ahensiya.

"Hindi feasible lalo na kung maya't maya nagpapalit, nagkakaroon ng bago. Baka hindi pa makabuti sa merkado 'pag naglagay tayo SRP kasi yung binababa talaga nila ang presyo baka isabay nila sa SRP natin imbes na mas mababa na ang presyo nila," ani Castelo.

Nasa P6,000 hanggang P7,000 ang presyo ng mga tablet; habang P15,000 ang basic laptop at hanggang P20,000 ang desktop.

Unang pinag-aralan ng ahensiya na lagyan ng SRP ang mga laptop at tablet, kasabay ng pagtaas ng demand ng mga ito dahil sa mga online class.

Suspendido sa ngayon ang face-to-face classes sa mga paaralan at sa halip, blended learning methods - o halong offline at online learning ang ipinapatupad sa mga paaralan ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Dahilan ito para tumaas ang demand sa mga laptop at computer. Dumarami rin ang dumadagsa sa mga computer stores sa bansa.

Payo ng DTI sa mga magulang, bumili na lang ng desktop dahil mas makakatipid at mas tatagal ito.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.