El Niño posibleng tumagal hanggang tag-init - PAGASA | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

News

El Niño posibleng tumagal hanggang tag-init - PAGASA

El Niño posibleng tumagal hanggang tag-init - PAGASA

Ariel Rojas,

ABS-CBN News

Clipboard

45 probinsya makararanas ng tagtuyot sa katapusan ng Marso 2024

MAYNILA - Posibleng tumagal hanggang Mayo 2024 ang pag-iral ng El Niño, ayon sa climatologists ng PAGASA nitong Miyerkoles.

Bukod sa mas kaunting ulan, inaasahan din ang mas mainit pang panahon sa tag-init dahil sa pagsabay ng El Niño.

Sa katapusan ng Marso 2024, mahigit kalahati ng bansa ang makararanas ng tagtuyot.

Maaapektuhan ng tagtuyot ang Ilocos Region, Cordillera, halos buong Central Luzon, Metro Manila, Cavite, Palawan, Guimaras, Central at Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, Northern Mindanao, Cotabato, Davao de Oro, at Dinagat Islands, na karamihan ay agricultural areas.

ADVERTISEMENT

Nangyayari ang meteorological drought o tagtuyot kapag mababa sa normal na ulan ang nararanasan sa limang magkakasunod na buwan, o higit na mababa sa normal ang ulan sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan.

Sinabi ng PAGASA sa 164th Climate Forum nito na kasalukuyang umiiral ang moderate El Niño sa gitnang bahagi ng Pacific Ocean at lalakas pa ito sa mga susunod na buwan.

Watch more News on iWantTFC

Sa Nobyembre hanggang Enero ang tinatayang kasagsagan ng El Niño.

Karamihan sa climate models ay nagpapakita ng posibleng pagkakaroon ng strong El Niño event o mas mataas sa 1.0°C kompara sa normal ang init ng tubig sa gitnang bahagi ng Pasipiko, dagdag ng ahensya.

Ang El Niño ay ang mainit na yugto ng El Niño-Southern Oscillation na natural na proseso ng pagbabago sa init ng tubig at direksyon ng hangin sa ibabaw ng karagatang Pasipiko.

Ayon kay Climate Monitoring and Prediction Section Chief Ana Liza Solis, bagaman wala pang tagtuyot ngayong Setyembre, may dry spell na sa Quirino, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Davao Occidental, Sarangani, at South Cotabato.

Labing-siyam na probinsya naman ang nakararanas ng dry condition.

Nagkakaroon ng dry spell kapag mababa sa normal ang ulan sa tatlong magkakasunod na buwan, o higit na mababa sa normal sa loob ng dalawang buwan. Nangyayari naman ang dry condition kapag mababa sa normal ang ulan sa loob ng dalawang buwan.

Nauna nang ipinaliwanag ng PAGASA na bagaman mas kaunting ulan ang epekto ng El Niño sa bansa, mas lumalakas naman ang Habagat, kaya sa Oktubre pa magsisimulang maramdaman ang kakulangan sa pag-ulan. Halos buong Luzon ang makatatanggap ng mababa sa normal na ulan ngayong Oktubre.

Sa Nobyembre, halos buong bansa ang makararanas nito at higit na mababa sa normal ang ulan sa Ilocos, Central Luzon, at Mindoro.

Pagsapit ng Disyembre, malapit sa normal ang tinatayang dami ng ulan sa maraming bahagi ng Luzon at Western Visayas, at mas mataas naman sa normal sa Northern at Central Luzon.

Apat hanggang anim na bagyo ang tinatayang mabubuo o papasok sa Philippine Area of Responsibility sa huling tatlong buwan ng taon kung kailan kadalasang tumatama sa lupa ang mga ito.

Mula Enero hanggang Marso ng susunod na taon, mas maraming lugar lalo sa kanlurang bahagi ng bansa ang makararanas ng mahigit 60 percent na kabawasan sa ulan.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.