Tinaguriang 'drug queen' pinaghahanap na; lookout bulletin inilabas

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 08:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Naglabas na ng immigration lookout bulletin order ang Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes laban kay dating barangay chairwoman Guia Gomez Castro na tinagurian ng pulisya bilang "drug queen."

Sa huling ulat ng Bureau of Immigration, nakalabas na ng bansa papuntang Bangkok, Thailand si Castro noong Setyembre 21, bago siya pangalanan ng mga awtoridad.

May nagsabing tauhan ng barangay sa Sampaloc na kasama ni Castro ang asawa't mga anak nang umalis ng bansa.

Si Castro ang sinasabing drug queen ng Maynila na kasabwat umano ng mga tiwaling pulis na kung tawagin ay "ninja cops" na dawit sa pagre-recycle ng mga droga na nakukumpiska sa drug operations.

'MADULAS'

Napag-alaman ding may 3 arrest warrant na pala laban kay Castro para sa iba't ibang kaso.

Ang una ay sa kasong ilegal na droga na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) noon pang Marso 2002.

Ang 2 naman, may kinalaman sa talbog na tseke na inilabas noong 2003 at 2011.

Matagal nang nailabas ang mga arrest warrant pero sabi ng National Bureau of Investigation (NBI), sadyang mailap si Castro.

"Since 2009, nag-attempt mag-implement ng search warrant sa premises ng drug queen, unfortunately masyadong maraming connection, so hindi nag-prosper," ani NBI anti-illegal drugs section head Atty. Eduardo Ramos, Jr.

Naniniwala ang mga awtoridad na nagagamit ni Castro ang kaniyang pera at koneksiyon sa matataas na opisyal ng pamahalaan at mga tiwaling pulis kaya lagi siyang nakakalusot.

"Money speaks everytime na may gusto pagawa," sabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Dir. Gen. Aaron Aquino.

"Definitely, kaya may narco-cops diyan... Previous operations, papunta pa lang, nawa-warningan na ng mga pulis," sabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police. Maj. Gen. Guillermo Eleazar.

Patuloy na naninindigan si Castro na inosente siya sa mga paratang.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.