'Panginoon na ang bahala': Tinaguriang 'drug queen' pumalag sa mga paratang

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 08:37 PM | Updated as of Sep 26 2019 08:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanindigan nitong Huwebes ang tinaguriang "drug queen" ng Maynila na si barangay chairwoman Guia Gomez Castro na inosente siya sa mga paratang na dawit siya sa kalakaran ng droga.

Sa pamamagitan ng text message na pinaabot ni Castro sa isang kaanak, pinabulaanan niya lahat ng bintang at sinabing malinis ang kaniyang konsensiya.

"Gustong-gusto kong sagutin lahat ng akusasyon nila sa akin pero para saan? May maniniwala ba? Panginoon na lang ang bahala," sabi ni Castro.

Si Castro ay dating barangay chairwoman sa Sampaloc, Maynila pero naka-leave siya sa puwesto simula pa Abril 25.

Kasabwat umano ni Castro ang mga tiwaling pulis na kung tawagin ay "ninja cops" na dawit sa pagre-recycle ng mga droga na nakukumpiska sa drug operations. 

Kumita ng higit P1 bilyon?

Samantala, ibinunyag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kumita na nang higit P1 bilyon si Castro mula pa noong 2001.

Sabi ni PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino, 2001 nang unang madawit sa droga si Castro matapos siyang mahuli sa isang drug operation sa Barangay La Loma sa Maynila. 

Pero dahil madulas umano si Castro, ilang beses na itong nakalusot sa sari-saring operasyon ng pulisya kontra droga. 

Ilang beses na kasing ni-raid ng mga pulis, PDEA, at National Bureau of Investigation (NBI) ang compound malapit sa Barangay 484 na sinasabing pinamumunuan ng drug queen pero hindi ito mahuli-huli.

Paliwanag ng PDEA, mahilig si Castro na magpamudmod ng kagamitan sa mga awtoridad para hindi siya matimbog.

"Actually talagang big family ito kasi mga relatives nila, mga kapatid andon na eh... Iyung husband niya si Dennis Castro naging barangay captain na rin 'yan. He's also involved... Iyung kanilang madidikit na tao, kapag nagbe-birthday binibigyan niya ng bagong Fortuner," sabi ni Aquino.

Sinabi ng Bureau of Immigration na lumipad pa-Bangkok, Thailand si Castro. Pero sabi ng Department of Justice, may kakayahan silang ma-monitor ang kinaroroonan ng umano'y drug queen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.