MAYNILA—Nabistong namemeke ng mga permit at ibang dokumento mula sa city engineering office ang isang 28-anyos na lalaking inaresto sa Pasig City.
Nagsagawa ng entrapment operation laban kay Jeremiah Orallo ang intelligence section ng Pasig police Martes, matapos magreklamo ang isang babaeng call center agent na nabiktima umano niya.
Ayon kay Pasig City chief of police Col. Roman Arugay, nagpanggap umanong engineer ang suspek at nagpakilalang fixer sa biktima.
Salaysay ng biktima sa pulis, naningil umano ang suspek ng P300,000 para mapadali ang pagkuha ng building permit at electrical inspection certificates para sa pinapatayo nilang bahay.
Pero nang dalhin ng biktima sa Meralco ang certificate of final electrical inspection na binigay ng suspek, nadiskubre roon na peke umano ang dokumento.
Digital signature kasi ang mga pirma at weekend pa ang araw na nakalagay bilang date issued.
Nakipagkita ulit ang biktima sa suspek sa labas ng convenience store sa Barangay Santo Tomas para mag-abot ng P10,000 boodle money.
Sinabi naman ng suspek sa pulis na may 2 siyang kasabwat: isang engineer sa city hall na inabutan niya ng P120,000 mula sa siningil sa biktima at isang middleman.
Sinampahan ang suspek at isa pang at-large na kasabwat ng patong-patong na kaso kabilang ang estafa at paglabag sa Anti-Red Tape Act.
Kasama rin sa mga kaso ang itinurong engineer na haharap pa sa paglabag sa Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees.
Sa online post, sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na malaki na ang inusad nila sa paglilinis ng mga fixer sa Office of the Building Official.
Nanawagan si Sotto sa publiko na ireport agad sa lungsod o sa pulis ang mga manghihingi ng padulas para makasuhan.
Paalala rin ng pulisya, dumaan na lang sa lehitimong proseso sa pagkuha ng dokumento sa gobyerno.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Pasig City, fixer, Pasig City Hall, Vico Sotto, Anti-Red Tape Act, Tagalog news