ALAMIN: Bakit may lumalabas na mga sawa tuwing tag-ulan? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ALAMIN: Bakit may lumalabas na mga sawa tuwing tag-ulan?

ALAMIN: Bakit may lumalabas na mga sawa tuwing tag-ulan?

Anjo Bagaoisan,

ABS-CBN News

Clipboard

Nahuli ang isa 12-talampakang sawa sa puno ng aratiles sa tabi ng creek sa Malibay, Pasay City nitong Miyerkoles. Kuha ni JR Celon

MAYNILA - Madalas, naibabalita ang paglabas ng mga sawa o malalaking ahas sa mga residential area, gaya sa mga bahay at puno, dahil hindi naman ito ang karaniwang tinitirhan nila.

Nitong Miyerkoles, nagkagulo sa isang barangay sa Pasay City nang makita ang isang 12-talampakang reticulated python na nakakapit sa sanga ng puno ng aratiles.

Hinala ng mga taga-barangay, nanggaling ang sawa sa katabing creek.

Karaniwan napupunta ang mga ganitong sawa at iba pang ligaw na hayop sa kustodiya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), partikular sa Biodiversity Management Bureau (BMB).

ADVERTISEMENT

Ayon kay Dr. Steven Toledo, isang veterinarian sa Wildlife Resources Division ng DENR-BMB, may 3 maaaring dahilan kung bakit lumalabas sa kanilang lungga ang mga sawa.

Una, posibleng nilisan ng sawa ang tirahan dahil sa pagbaha o pag-ulan. Kaya, malaki ang tiyansa ng mga ganitong insidente tuwing rainy season at sa mga bahaing lugar.

"Pagka ganitong tag-ulan, may mga reports na ganyang lumalabas kasi yung possibility ng kanilang lungga, pwedeng pinasok ng tubig," sinabi ni Toledo sa ABS-CBN News.

"Hindi naman sila pwedeng mag-stay doon. Otherwise, malulunod din sila. Although they're good swimmers, kailangan din nilang lumabas."

Kaugnay nito, maaari ring naaapektuhan ang mga sawa ng temperatura o klima sa lugar nila.

Tinuturing na cold-blooded animals ang mga reptile gaya ng mga ahas, hindi tulad ng tao na warm-blooded.

"They have to maintain a body temperature wherein 'pag masyadong malamig, kailangan nilang magpainit. Like, they will expose themselves sa araw. Magpapa-araw sila," ani Toledo.

"Kapag masyado namang mainit, they have to [hide] where kailangan nilang magpalamig."

At pangatlo, naghahanap ang mga sawa ng pagkain, na ginagawa nila tuwing gabi.

Ayon kay Toledo, madalas kinakain ng mga ito ay mga rodent gaya ng daga.

Hindi makamandag ang mga sawa gaya ng reticulated python na likas sa Pilipinas at Southeast Asia.

Tinatawag silang mga constrictor dahil namimilipit sila sa kanilang prey hanggang sa mamatay ito at saka nilulunok.

"Sila rin 'yung tinatawag na sawang bitin. Pwede silang umakyat sa kahoy to cling themselves, lalo na kapag dina-digest ang food, or habang nag-aantay ng intended prey."

Kahit maraming natatakot sa pagkakita ng sawa, paalala ni Toledo, hindi dapat pinapatay o sinasaktan ang mga ito.

Malaki rin kasi ang naitutulong nila sa kalikasan dahil kinokontrol nila ang pagdami ng mga peste, gaya ng daga.

Kapag nakakita ng sawa, sabi ng DENR, itawag na lang ito sa kanila para mapakuha.

Sa Metro Manila, pwedeng tawagan ang BMB sa +632 - 89246031 hanggang 35.

Kung kayang gawin, pwede rin ilipat muna ang sawa para maiwas sa tao habang wala pang kumukuhang otoridad.

Ayon kay Toledo, susuriin nila ang sawa kung may sakit ito o sugat sa katawan. Kung wala, ibabalik nila ito sa pwedeng tirhan sa gubat.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like youā€™re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.