Pagkaklase sa sabungan sa Quezon, ipinatigil umano ng DepEd | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pagkaklase sa sabungan sa Quezon, ipinatigil umano ng DepEd

Pagkaklase sa sabungan sa Quezon, ipinatigil umano ng DepEd

ABS-CBN News

 | 

Updated Sep 13, 2022 02:20 PM PHT

Clipboard

Mga magulang, tutol naman sa pagpapatigil ng face-to-face classes doon

MAYNILA - Ipinatigil umano ng Department of Education ang pagkaklase ng ilang mga estudyante sa sports arena o sabungan sa Barangay San Isidro sa bayan ng Mulanay, Quezon.

Ayon kay Mayor Aris Aguirre, nakatanggap siya ng impormasyon mula sa mga opisyal ng San Isidro Elementary School na pinatigil ng district head ng DepEd ang pagkaklase doon.

“Sinabi po sa akin na hindi na raw po ginagamit ‘yung sports arena at pinigilan po sila ng district head na nakakasakop po sa kanila,” aniya.

“So humihingi po sila ng tulong sa akin kasi sa palagay po nila, mas kumportable po at mas safe po ‘yung mga bata sa loob ng sports arena,” dagdag ni Aguirre.

ADVERTISEMENT

Hindi umano siya nasabihan ng DepEd na ipatigil ang mga klase sa sabungan.

Aniya, maaring ikinabahala ng DepEd ang naging reaksyon ng publiko at ng media nang mapabalita ang pagkaklase sa sabungan.

Sabi pa ng alkalde, sinabihan umano ang mga guro na sa mga tent o canopy na lamang magklase, o kaya ay bumalik sa hybrid learning gamit ang mga module.

Ngunit para sa mga magulang ng mga estudyante, mas kumportable at mas ligtas umano ang kanilang mga anak sa sabungan kaysa sa mga tent dahil mainit kapag tanghali, o di kaya naman ay maari silang mabasa kapag malakas ang ulan.

Ani Aguirre, sinabihan muna niya ang mga guro na sundin ang sinabi ng DepEd habang naghahanap siya ng paraan para makausap ang mga opsiyal ng DepEd.

Sumulat na rin umano siya kay Education Secretary Sara Duterte tungkol sa isyu ngunit hindi pa umano siya nakatatanggap ng sagot.

"Ang advise ko po sa kanila ay sundin po nila ang panuntunan ng DepEd. Kung ano po ang sinabi sa kanila, ‘yun po muna ang sundin natin. At gagawa po tayo ng paraan. Baka pwede po tayong makakausap ng iba’t ibang matataas na opisyal ng DepEd at muling payagan po na magklase ulit sa sports arena," sabi ni Aguirre.

Watch more News on iWantTFC

Nasa 232 na mag-aaral ng dating San Isidro Elementary School ang nagkaklase sa sabungan buhat nang mag-umpisa ang face-to-face classes nitong buwan ng Agosto.

Ito ay matapos wasakin ng magkasunod na bagyong Rolly at bagyong Ulysses na tumama sa Quezon noong 2020 ang mga gusali at classroom ng eskwelahan.

Bukod sa sabungan, may ilan din umanong mga estudyante na nagkaklase sa barangay hall, sa senior citizen hall, at maging sa bahay ng mga barangay captain.

Ani Aguirre, mayroon nang ilang classrooms na natapos, ngunit hindi pa rin ito sapat para sa lahat ng apektadong mga mag-aaral.

Umapela din siya ng karagdagang pondo sa DepEd para rin sa sweldo ng mga guro at iba pang pangangailangan sa paaralan.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.