MAYNILA -- Isang sabungan sa Mulanay, Quezon ang nagsisilbi ngayong eskwelahan para sa nasa mahigit na 200 mag-aaral sa isang barangay sa nasabing bayan.
Nasa 232 na mag-aaral ng dating San Isidro Elementary School sa Barangay San Isidro, ang nagkaklase sa sabungan buhat nang mag-umpisa ang face-to-face classes nitong buwan ng Agosto.
Ito ay matapos wasakin ng magkasunod na bagyong Rolly at bagyong Ulysses na tumama sa Quezon noong 2020 ang mga gusali at classroom ng dating eskwelahan.
Naapektuhan din ang nasabing paaralan ng mga nagdaang iba pang kalamidad tulad ng lindol at mga landslide dulot ng mga pag-ulan.
Matapos bisitahin ng lokal na pamahalaan at mga tauhan Mines and Geosciences Bureau ang pinsala sa mga imprastraktura at sa lugar na kinatatayuan, tuluyan ng ipinasara noong November 2020 ang paaralan at idineklarang condemned ang lugar.
Lokal na pamahalaan ng Mulanay
Lokal na pamahalaan ng Mulanay
Lokal na pamahalaan ng Mulanay
Wala nang sinumang pinayagang makapasok dahil sa posibleng panganib ng tuluyang pagguho nito.
Ayon kay Agnes Par, isa sa mga guro sa paaralan, pasalamat na lamang sila at nasa kasagsagan ng pandemic ng ipasara ang paaralan at wala silang mga estudyante noon.
Subalit naging problema nila ang pagbubukas ng face-to-face classes kaya naisipan nilang humingi ng tulong sa kanilang punong barangay na si Arnulfo Decena na magamit ang barangay hall upang maging pansamantalang paaralan.
Subalit ang ipinagamit ng kapitan ay ang kanyang pag-aaring sabungan, ang Decena sports arena, na nasa kanila ding barangay.
Pumayag naman ang lokal na sangay ng Department of Education (DepEd) na doon pumasok ang mga bata dahil ang pangalan nito ay sports arena at hindi sabungan.
Hinati-hati ng mga guro ang bawat bahagi ng sabungan sa ibat-ibang grado ng mag-aaral. Ang pinakagitnang bahagi, na dating pinagsasabungan ng mga manok, ang siyang kanilang faculty room.
Lokal na pamahalaan ng Mulanay
Lokal na pamahalaan ng Mulanay
Lokal na pamahalaan ng Mulanay
Hirap ang ilang estudyante na doon pumasok dahil ang iba sa kanila ay sa upuan ng sabungan nagsusulat.
Gayunpaman, nagpapasalamat ang mga magulang at guro na may lugar na magagamit ang kanilang mga anak.
Sa isang panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Mulanay Mayor Aris Aguirre na magpapatayo na siya ng ilang classroom para sa mga mag-aaral ng San Isidro Elementary School.
"Nagpagawa na po kami ng 2 classroom, so itu-turnover na po yan sa San Isidro Elementary School po. At nag-augment pa po ako ng additional funds para sa dalawang classroom pa. So total po, 4 po ang ibinigay po ng (local government unit)."
Pero patuloy na nanawagan si Aguirre sa Department of Education na magpatayo pa ng mas maraming classroom sa kanilang lugar.
"Sapagkat po ito pong movement po ng mga guro dyan sa San Isidro Elementary School ay temporary lang po kasi hindi lang po sabungan ang ginagamit."
"Pati po mga senior citizens hall, barangay hall ay ginagamit na rin po pati yung hallway ng sabungan, sapagkat kulang na kulang po ang buildings po para pagdausan nitong mga face-to-face classes po ngayon," kuwento niya.
--may ulat ni Ronilo Dagos
sabungan, mulanay, quezon, cockpit, cockfighting arena, san isidro elementary school, Mulanay, Quezon, site only, slideshow