MAYNILA - Mananatili ang Metro Manila sa ilalim ng modified enhanced community (MECQ) hanggang Setyembre 15 o kaya ay kapag handa na ang mga panuntunan sa ipapatupad na lockdown protocols.
Ito ay matapos ipagpaliban muna ng pandemic task force ang pagpapatupad ng general community quarantine na ipapares sa alert level system, at mga granular lockdown sa Metro Manila.
Sa ilalim ng granular lockdown, mga piling lugar lang sa mga lungsod ang isasara.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mananatiling bawal ang indoor at al-fresco dine-in services, personal care services kasama ang salon at parlor.
Papayagan naman ang religious services basta't via online lamang.
Matatandaang inihihirit ang pagpapatupad ng alert level system kasabay ng pagpapatupad ng GCQ para matukoy kung aling mga negosyo ang papayagang magbukas. Layon umano nito na tulungang makabangon ang mga negosyong naapektuhan ng mga malawakang lockdown.
Noon pa inalmahan ng mga labor group ang pagpapatupad ng granular lockdowns, na nakatakda sana gawin sa Miyerkoles kasabay ng pag-arangkada ng GCQ sa NCR.
Nagkaroon din ng agam-agam ang ilang health expert ngayong puno pa rin ang mga ospital sa rehiyon.
Sa katunayan, nitong Lunes ay naitala ang pinakamaraming COVID-19 cases sa loob ng isang araw sa bansa. Tantiya ng mga eksperto na umaabot sa higit 4,000 ang bilang ng COVID-19 cases sa rehiyon.
-- May ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.