MAYNILA - Aabot sa 17,000 hanggang 43,000 na daily COVID-19 cases sa Metro Manila ang nakikita ng Department of Health sa katapusan ng Setyembre.
Sa harap ito ng banta ng mabilis kumalat na COVID-19 Delta variant sa bansa.
Ayon sa DOH, pataas pa rin ang nakikita nilang projection sa katapusan ng buwan. Posible rin anilang umabot sa 150,000 ang active COVID-19 cases.
"With all of these assumptions, 'pag nagbigay tayo ng projections, it doesn’t mean na mangyayari. Ginagamit 'yan for planning purposes. Para alam namin ilan 'yung darating na kaso and we can be able to prepare for that," ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Sa harap ng pagdami ng COVID-19 cases, ipinapayo ng mga eksperto na gawin ang ilang hakbang.
Una, dapat sumunod sa minimum health protocols.
Kung nakakaramdam naman ng sintomas ay dapat nang mag-isolate.
Sabihan din dapat ang mga nakasalamuha kung positibo sa COVID-19.
Dapat ding kumain ng masustansiyang pagkain, at siguruhing may maayos na bentilasyon sa bahay.
Dahil laganap na ang Delta variant, patuloy na nakaantabay ang mga eksperto rito, ayon sa World Health Organization. Habang patuloy kasi ang hawahan ay nariyan ang posibilidad ng mutation.
"Talagang mataas pa ang transmission ng virus kaya mataas pa ang mutation. importante talaga na ma-stop na natin ang transmission na 'yan," ani Dr. Nina Gloriani ng Vaccine Expert Panel.
Paalala naman ni Gloriani: "Kung nabakunahan kayo, may konting nabakunahan tapos 'yung iba party ng party, hindi ko rin maintindihan ganon ang nakikita natin. Despite all the warnings, paalala sana makinig na po ang ating mga kababayan."
Nitong Biyernes higit 20,000 bagong kaso ang naitala ng DOH— pangalawa sa pinakamaraming kasong naitala sa isang araw magmula ng pandemya.
— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.