PatrolPH

ECQ sa Tuguegarao pinalawig pa nang 2 araw

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2021 04:30 PM | Updated as of Aug 29 2021 06:51 PM

Puspusan ang pag-disinfect ng mga residente ng Tuguegarao City sa lungsod para matugunan ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19. Retrato mula sa Tuguegarao City Information Office
Puspusan ang pag-disinfect ng mga residente ng Tuguegarao City sa lungsod para matugunan ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19. Retrato mula sa Tuguegarao City Information Office

Pinalawig pa nang 2 araw ang enhanced community quarantine sa Tuguegarao City habang puspusan ang pagsasagawa ng citywide disinfection.

Inaprubahan ng regional inter-agency task force ang pagpapalawig ng ECQ sa lungsod hanggang Lunes, Agosto 30.

Una nang isinailalim ang lungsod sa 10 araw na ECQ noong Agosto 12. Pinalawig ito nang 1 pang linggo hanggang Agosot 28.

Kasabay ng pagpapalawig ang paglilinis at disinfeciton ng mga residente para matugunan ang tumataas pa rin na kaso ng COVID-19.

Kaniya-kaniyang linis naman ang mga residente sa kani-kanilang mga bakuran at bahay.

Nagsagawa rin ng disinfection ang mga pamahalaang barangay gamit ang power sprayer.

Katuwang naman ng city government ang Bureau of Fire Protection sa pag-disinfect sa mga pangunahing lansangan at pampublikong lugar.

Sa tala ng City Health Office noong Sabado, pumalo na sa 1,468 ang active COVID-19 cases sa Tuguegarao matapos makapagtala ng 136 bagong active cases.

Watch more on iWantTFC

Sa Olongapo City, Zambales, naglagay ng pulang mga bandila ang Barangay Kalalake para bigyan ng babala ang mga motorista at dumaraan sa mataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Ayon kay Barangay Chairman Randy Sionzon, ang pulang flags ay magsisilbing babala at hindi diskriminasyon.

Sa Iloilo City, hindi na muna tatanggap ng COVID-19 patients ang Iloilo Doctors' Hospital simula Agosto 27 hanggang 30 dahil sa kakulangan ng nurse matapos magpositibo sa COVID-19 ang 7 nurse.

Naitala naman sa Davao region ang pangalawang pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19.

Ayon sa Department of Health ng rehiyon, 857 ang bagong kaso ng COVID-19 noong Sabado kaya pumalo sa 66,948 ang kabuuang bilang ng mga kaso. 

Sa Davao Occidental, muling nagpatupad ng "No Movement Sunday" sa mga bayan ng Santa Maria, Malita, at Don Marcelino para makontrol ang hawahan.

Nagpatupad naman ng "Border Sunday Lockdown" ang bayan ng Jose Abad Santos, kung saan pinagbabawalan ang mga hindi kailangang biyahe mula sa ibang bayan.

Sa Siargao Island, bumisita si Tourism Secretary Berna Romulo Puyat at National Task Force Against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon para sa ceremonial vaccination ng mga tourism worker.

— Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.