MAYNILA (UPDATE) - Nakaranas ng pagbaha sa ilang parte ng Metro Manila bunsod ng pag-ulan nitong Sabado sa pagsisimula ng long weekend.
Ibinahagi ng Bayan Patrollers ang kanilang mga kuhang retrato at video ng pagbaha sa kani-kanilang lugar.
Sa kuhang video ni Ivy Nakar, makikitang bumabaha sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 4 pagkababa niya ng eroplano.
Nagmistulang ilog naman ang bahagi ng Bayani Road at Cuasay sa Central Signal Village, Taguig City, na nakunan ng mga larawan at video ni Bayan Patroller Vienjapet Ruga pasado alas-8 ng umaga.
Nakunan naman ng larawan at video ni Bayan Patroller Kristel Leviste ang pagbaha sa bahagi ng PNR Buendia (Gil Puyat) Station sa Dela Rosa Street corner Gil Puyat Avenue, Makati City, bandang alas-11 ng umaga. Unti-unti na ring tumataas ang baha malapit sa istasyon.
Navideohan naman ni Bayan Patroller Renz Valenzuela Jr. ang pagbaha sa Dian St., Brgy. Palanan, Makati pasado alas-9 ng umaga.
Mataas at mabilis naman na agos ng tubig baha sa bahagi ng C5 ang nakunan ng video ni Bayan Patroller Ricky Peñaranda bandang alas-10 ng umaga.
Gutter-deep na baha rin sa Taft Avenue, Maynila ang nakunan ng mga larawan ni Bayan Patroller Noreen Carada pasado alas-11 ng umaga.
Dahil sa pagbaha sa parte ng Magallanes, Makati, nagsuspinde na rin ng operasyon ang Philippine National Railways
Suspendido na rin ang mga klase sa Makati.
Nakararanas ng pag-ulan nitong Sabado dahil sa Tropical Storm Ineng, na gumagalaw sa hilagang kanluran ng Batanes.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Metro Manila, Maynila, baha, Makati, Taguig, PNR, Philippine National Railways