MANILA - Pansamantalang inihinto ang operasyon ng Philippine National Railways (PNR) Sabado ng umaga dahil sa lalim ng baha sa isang bahagi ng Magallanes, Makati.
Kinailangang tumigil ang operasyon ng tren dahil umabot na sa 24 na pulgada ang lalim ng baha, sabi ni PNR Operations Manager Jocelyn Geronimo sa ABS-CBN News.
Bandang 9:30 ng umaga ng suspendihin ang mga biyahe ng PNR, aniya.
Pinag-aaralan pa ng mga awtoridad kung dapat bang pababain mula sa tren ang mga pasahero na na-stranded dahil sa baha.
Nagkaaberya din ang isa sa mga tren ng PNR bandang alas-7 ng umaga sa Pedro Gil Station matapos maputol ang isang kable malapit sa locomotor, sabi ni Geronimo.
Nagdulot ito ng mabigat na daloy ng trapiko sa Pedro Gil at bahagi ng Quirino Avenue.
Pasado alas-9 na nang makumpuni ang sira, sabi ng opisyal.
- ulat mula kay Henry Atuelan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
DZMM, Tagalog news, PNR, flooding, train, transportation, Makati, Magallanes, Pedro Gil, Philippine National Railways