PatrolPH

Ilang buntis, bagong panganak kasama sa COVID patients ng Bulacan Medical Center

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2021 06:55 PM

Bulacan Medical Center may mga COVID patients na buntis

MALOLOS, Bulacan - Napupuno na rin ng COVID-19 patients ang Bulacan Medical Center, sa harap ng pagdami ng mga may COVID-19 sa maraming bahagi ng bansa.

Kabilang sa mga COVID-19 patients sa nasabing ospital ang ilang buntis at mga bagong panganak.

Ayon sa pamunuan ng ospital ngayong Huwebes, nasa 90 hanggang 93 porsiyento na anila ang kanilang occupancy rate. 

Binibigyan nila ng opsyon ang mga pasyente na kung gugustuhin na magpa-confine ay maghintay muna sa tent sa labas ng emergency room habang wala pang available na kuwarto.

"'Yung sitwasyon namin dito sa Bulacan Medical Center ay hindi kakaiba sa nangyayari sa ibang ospital sa buong Pilipinas. Medyo napupuno na po tayo. Ang ating occupancy sa ICU, kung minsan, isa o dalawa na lang ang bakante. At ang sa ward natin, nasa 90 hanggang 93 percent ang occupancy natin," ani Dr. Hjordis Marushka Celis, medical director ng ospital. 

Kabilang sa mga naka-confine dahil sa COVID-19 ang 18 bagong panganak. May 29 ding buntis na nasa delivery room na nagpositibo sa sakit. 

Karamihan sa mga naka-confine dahil sa COVID-19 ay hindi pa nababakunahan ng unang dose kontra COVID-19.

May 18 pasyenteng naghihintay pang makapasok sa ospital na nasa triage. May mga tawag rin silang natatanggap kung puwedeng makapag-transfer ng pasyente sa kanilang ospital. 

May ilan na ring ginagamot sa mga ambulansiya habang nakakabit ang dextrose at oxygen. 

Paalala ng pamunuan ng ospital, dapat makipag-ugnayan na muna sa mga barangay o municipal health officers para masuri ang kalagayan at ma-evaluate kung dapat i-confine o ilagay sa quarantine facility ang pasyente.

-- Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.