Dagdag na doktor, nars, hiling ng Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2021 04:56 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA – Nangangailangan ang Bulacan ng dagdag na doktor at nars sa gitna ng paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa lalawigan dahil na rin sa mas nakakahawang Delta variant nito. 

Sa isang panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Gob. Daniel Fernando na bagama't may iilan pang bakanteng kama para sa mga magpopositibo sa COVID-19 sa probinsya, mas problemado sila ngayon sa kakulangan ng healthcare personnel.

“Kaya kanina, gumawa na ako ng letter, letter doon sa PNP (Philippine National Police) na baka meron silang medical staff, sa DepEd (Department of Education), baka meron silang medical staff, tutal 'yung DepEd, hindi naman sila nagfe-face to face, baka pwedeng yung nurse muna nila ay mabigay sa’min,” ani Fernando.

Ayon kay Fernando, may 2,180 kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar ngayon.

Para patuloy na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 Delta variant sa probinsya, ipinag-utos na ni Fernando ang paghihigpit ng mga checkpoint sa mga border nito.

Bukod pa sa contact tracing at maigting na pagpapatupad ng minimum public health standards, inumpisahan na rin ang mobile vaccination sa ilang mga munisipyo ng Bulacan, aniya. 

Nasa General Community Quarantine with heightened restrictions ang Bulacan hanggang ika-15 ng Agosto.