Ilang Metro Manila mayors aminadong mas maluwag ang ECQ | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ilang Metro Manila mayors aminadong mas maluwag ang ECQ

Ilang Metro Manila mayors aminadong mas maluwag ang ECQ

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 18, 2021 07:30 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Aminado ang ilang local government unit (LGU) sa Metro Manila na mas maluwag ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine ngayon.

Kapansin-pansin kasing kahit nasa ilalim ng ECQ ang Kamaynilaan ngayon, marami pa rin ang mga sasakyan at tao sa labas.

Ayon sa ilang mayor, sinabayan kasi ang ECQ ng malawakang pagbabakuna kontra COVID-19 at distribusyon ng ayuda.

"Hindi pwedeng i-restrict lamang ang mobility. Kung ire-restrict ang mobility ng tao, hindi sila makakapagtrabaho at mawawalan ng hanapbuhay. Marami rin ang makakaranas ng pagkagutom," ani Marikina Mayor Marcelino Teodoro.

ADVERTISEMENT

"'Di puwedeng i-restrict ang mobility ng magpapabakuna. 'Pag kukuha naman ng ayuda, hindi naman ito uuwi kaagad dahil may dalang pera na puwedeng magamit sa pamamalengke," dagdag ni Teodoro.

"Alam ko, marami ang lumalabas ngayon kahit ECQ, dahil sa dalawang bagay: ongoing ang vaccination at ang claiming ng ayuda," ani San Juan Mayor Francis Zamora.

"We are trying to find a balance na hindi naman mahihirapan masyado ang ating mga mamamayan sa ating kabuhayan, ekonomiya, at the same time, hindi naman maging dahilan na marami pang mamatay," aniya.

Mas marami na ring negosyo ang pinapayagang magbukas ngayong ECQ. May ilan pa ring bawal sana ngunit nagbubukas dahil kailangan umano nilang mabuhay.

Ayon din sa mga opisyal ng barangay, pahirapan ang pagpapatupad ng ECQ, lalo't mas marami na ang nakalalabas na Authorized Persons Outside Residence.

"Mas maluwag ang patakaran ngayon kumpara nung mga nakaraang taon dahil dati, totally ay hindi kami nagpapalabas ng tao, maliban na lamang kung kukuha ng essential services at emergency cases," sabi ni Gemma dela Cruz, kagawad ng Barangay 183 sa Pasay City.

"Majority [ng mga tao], sumusunod naman. Pero mayroon talagang pasaway at sadyang matitigas ang ulo," dagdag ni Dela Cruz.

Ayon sa Philippine National Police, mahigpit pa rin ang pagbabantay nila sa mga checkpoint at komunidad.

Nasa 9,000 anila ang nasisita nila sa Metro Manila kada araw dahil sa hindi pagsunod sa minimum health protocols.

Sa Biyernes, nakatakdang matapos ang ECQ sa Metro Manila at wala pang pasya kung palalawigin ito.

Kung si National Task Force Against COVID-19 special adviser Dr. Ted Herbosa ang tatanungin, pabor siyang ibaba sa modified ECQ (MECQ) ang Metro Manila.

"Bababa ako sa MECQ at paiigtingin ko 'yong mga LGU sa localized lockdowns, testing at contact tracing. Para hindi lahat napapahamak, iyong area lang na may clustering," aniya.

Tiniyak din ng mga mayor ng Metro Manila na paiigtingin ang pagbabakuna at pagpapatupad ng prevent-detect-isolate-treat-reintegrate strategy, mapa-ECQ o MECQ man.

Ipinauubaya na rin umano ng mga Metro Manila mayor sa Inter-Agency Task Force ang quarantine classification ng Metro Manila.

— Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.