CHED, DepEd nabulaga sa pagsasara ng Colegio de San Lorenzo | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

CHED, DepEd nabulaga sa pagsasara ng Colegio de San Lorenzo

CHED, DepEd nabulaga sa pagsasara ng Colegio de San Lorenzo

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 16, 2022 04:33 PM PHT

Clipboard

Watch more News on iWantTFC

Inamin ngayong Martes ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) na pareho silang nagulat sa anunsiyo ng pagsasara ng Colegio de San Lorenzo sa Quezon City.

Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni CHED Chairman Prospero de Vera na sa tagal niya sa komisyon, ito ang unang pagkakataong may institusyong ura-uradang nagsara.

"Last week lang sila nakipag-usap sa CHED [National Capital Region] officials namin kaya kami rin ay nabigla kaya nagpatawag ako ng meeting kahapon at mamaya mag-uusap ulit kung ano ang puwedeng gawin para tulungan ang mga estudyanteng apektado," ani De Vera.

Posibleng dumapa ang kolehiyo dahil hindi naabot ang target na bilang ng mga enrollee, ayon kay De Vera.

ADVERTISEMENT

Ayon naman kay DepEd spokesperson Michael Poa, hindi sila maglalabas ng acknowledgment of closure sa kolehiyo hangga't hindi natitiyak na nailabas na ang mga dokumento ng mga mag-aaral.

Sa hiwalay na mensahe sa mga reporter, sinabi ni Poa na isang pribadong paaralan sa Quezon City ang nagpahayag na handang sumalo sa Grades 11 at 12 students ng Colegio de San Lorenzo sa parehong matrikula.

Prayoridad ngayon ng kagawaran ang kapakanan at maayos na paglipat ng mga estudyante, at aaralin din kung may pananagutan ba ang nagsarang eskuwelahan.

Parehong may basic education at tertiary level ang Colegio de San Lorenzo.

Nabigla ang mga estudyante at magulang nang ianunsiyo ng kolehiyo na magsasara na ito noong Lunes, na dapat sana'y unang araw din ng pasukan.

Nauna nang tiniyak ng opisyal ng kolehiyo na ire-refund nito ang bayad ng mga estudyante at makakatanggap ng separation pay ang mga guro at iba pang kawani.

Naglabas din ng abiso ang Colegio de San Lorenzo na simula ngayong Martes hanggang Setyembre 19 ang release ng mga dokumento.

Simula Miyerkoles, Agosto 17, magsisimula naman ang paglabas ng mga tseke para sa refund, na maaaring kuhanin sa accounting office.

Sinabi naman ni House higher education committee chairperson Rep. Mark Go na tutulong siya sa CHED para makahanap ng malilipatang eskuwelahan ang mga apektadong estudyante.

Iminungkahi naman ni Go na ang kolehiyo na mismo ang magbayad ng tuition ng kanilang mga estudyante sa lilipatang eskuwelahan, sa halip na hintayin ang refund.

Para naman sa magulang na si Ma. Celestial Maniaul, sana ay mailinaw agad ng eskwelahan ang detalye ng refund o pagsasauli ng pera sa kanila.

Watch more News on iWantTFC

Aniya, ang mga anunsiyo na lumabas kahapon ay patungkol lamang sa mga estudyanteng nasa kolehiyo at hindi kasama ang anak niyang nasa elementarya pa lang.

“Ngayon po kasi nag-iintay kami ng online meeting po para, doon daw kasi sasabihin nila kung ano yung magiging process for refund po tsaka sa pag-release ng mga documents nung mga bata."

Kuwento niya, nag-aalaala ang mga magulang tungkol sa pagsasauli ng pera at dokumento ng mga bata dahil kailangan na silang mailipat ng eskwelahan sa lalong madaling panahon.

"Lalo na po kasi ngayon, ilang araw na lang po kasi, opening na po...yun po yung stress po sa mga magulang saka sa mga bata kasi yung mga iba po nagsisimula na po yung klase nung July pa, yung iba this week, tapos yung ibang school po closed na po yung enrollment nila."

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.