412 pamilya inilikas dahil sa matinding baha sa Pilar, Bataan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

412 pamilya inilikas dahil sa matinding baha sa Pilar, Bataan

412 pamilya inilikas dahil sa matinding baha sa Pilar, Bataan

ABS-CBN News

 | 

Updated Jul 30, 2021 12:01 PM PHT

Clipboard

Halos umabot na sa mga bubungan ng mga bahay ang matinding baha sa Barangay Panilao sa bayan ng Pilar sa Bataan. Larawan mula sa Facebook page ng Barangay Panilao

MAYNILA - Umabot sa 412 pamilya ang kasalukuyang nasa evacuation centers sa bayan ng Pilar sa Bataan na isa sa mga lugar na binaha dala ng epekto ng habagat.

“Lahat ng mga residente na nasa gilid ng Talisay River ang naapektuhan nitong habagat. Maraming pamilya ang kasalukuyan pa ring nasa evacuation centers na ating tinutulungan. Nasa 412 na pamilya ang nasa evacuation centers sa bayan ng Pilar,” sabi ni Mayor Charlie Pizarro.

Sa panayam sa TeleRadyo nitong Biyernes, sinabi ni Pizarro na nagulat ang marami sa kanilang mga residente dahil naganap ang pagtaas ng baha ng madaling araw.

Watch more in iWantv or TFC.tv

“Ngayon po kasi, madaling araw nagsimulang tumaas kaya nahirapan pong mag rescue ang ating mga kasamahan. Nabigla po ang karamihan,” sabi niya.

ADVERTISEMENT

Isa sa mga naapektuhan ng matinding pagbaha ay ang pamilya ni Mark Dagohoy sa Sitio Aquino sa Barangay Panilao.

“Lagpas bubong po, mga 11 feet po ang pagtaas ng 4 a.m. kahapon. Biglaan ang pagtaas niya hanggang sa inabot na ng tanghali ang paghupa,” sabi ni Dagohoy sa parehong panayam.

Sabi niya, hindi nakatulog ang mga residente dahil gabi pa lang ay hanggang tuhod na ang baha. Laking pasalamat niya at may itaas pa ang bahay ng kaniyang kapatid kung saan nila dinala ang kaniyang mga anak, pamangkin at ilang gamit.

“Yung kapitbahay naming isa, as in inanod po talaga yung bahay. Na rescue po sila ng Pilar Fire volunteer,” sabi niya.

Sa ngayon ay naglilinis na lamang sila ng mga putik sa kani-kanilang mga bahay.

Nangako naman si Pizarro na ginagawa ng lokal na pamahalaan ang lahat para matulungan ang mga apektadong pamilya.

“Immediate nilang pangangailangan ay pagkain. Meron na rin nagbibigay ng damit, kasi basa po ang kanilang mga damit, kasalukuyang itong ipinapakalat natin sa evacuation centers,” sabi ni Pizarro.

Dagdag niya, malaking pinsala rin ang idinulot ng pagbaha sa kanilang agrikultura.

“May dike kaming nasira kaya mabilis umangat ang tubig, mga bukid, mga palay, pananim na nasira umabot na po sa mahigit P1 milyon ang inisyal na report at kasama rin po ang aming mga kababayan na mangingisdang naapektuhan rin po,” sabi niya.

Sa ngayon ay nag-iikot umano ang mga kawani ng lokal na pamahalaan para maghatid ng pangangailangan ng mga residente kabilang na ang mga gamot.

“Maraming bata ngayon ang sinisipon at giniginaw,” sabi niya.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang alkalde sa mga residenteng agad na rumesponde sa kanilang mga kabarangay na kinailangang sagipin.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.