Security analyst, ilang mambabatas tutol sa mandatory ROTC | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Security analyst, ilang mambabatas tutol sa mandatory ROTC

Security analyst, ilang mambabatas tutol sa mandatory ROTC

ABS-CBN News

 | 

Updated Jul 26, 2022 07:02 PM PHT

Clipboard

Watch more News on iWantTFC

Tutol ang ilang dati at kasalukuyang mambatas, at isang security analyst sa itinutulak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagbabalik ng mandatory Reserve Officers' Training Corps (ROTC).

Ayon kay Sen. Risa Hontiverso, may iba namang paraan upang maipakita ng mga kabataan ang kanilang pagmamahal sa bayan pati ang pagbibigay serbisyo rito.

"Hindi ko pa rin sinusuportahan o susuportahan ang mandatory ROTC. Ito ay isang programa mula sa nakaraan na napatunayan na hindi iyon optimal kasi 'yung mga kabataan natin, may iba't ibang paraan para mahalin at magsilbi kay Inang Bayan," sabi ni Hontiveros.

Para naman kay dating Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mas mahahalagang bagay gaya ng ligtas na pagbabalik-eskuwela.

ADVERTISEMENT

"Ang ipinalit sa ROTC, ang kasalukuyang programa ngayon, ay umiiral at nakakatulong sa ating mga kabataan at hindi dapat ito ang maging priority ng present administration," ani Zarate.

"Kung gusto nating ituro ang pagiging makabayan at boluntarismo, hindi kailangang idaan sa isang militaristang pamamaraan," dagdag niya.

Ayon sa security analyst na si Dr. Chester Cabalza, magkakaroon ng paglabag sa international law ukol sa pagprotekta sa mga bata ang mandatory ROTC sa senior high school, lalo't 16 hanggang 17 taong gulang pa lang ang mga estudyante sa Grade 11 at 12.

Hindi rin naman umano nagagamit ang ROTC sa paglaban sa mga komunista at iba pang kaguluhan sa bansa.

"We cannot compel minors to undergo military training. Not all students have that intention to become military soldiers," ani Cabalza.

"If we look at the history of our insurgency and internal security threats, I think we were not able to use our ROTC as part of our reserve force. That is a lame excuse why we have to establish this kind of program," dagdag niya.

Dapat aniyang mag-invest ang pamahalaan sa ibang alternatibo na magmumulat sa mga estudyante sa pagiging makabayan.

"Patriotism and nationalism should be embedded in our education, not military training," ani Cabalza.

Hati naman ang reaksiyon ng high school students tungkol sa isyu.

"Para sa akin po, hindi ko naman po kailangan noon... Hindi ko rin naman bet mag-military," sabi ni Ezaki Tawagon.

"Para rin sa mga kabataan na napapasama sa mga barkada na bad influence po. Mas mabuti po na makasama na lang sa ROTC," sabi naman ni Raymond Dalawraw.

"Masyado siyang magastos... Noong sinabi pa lang ni Marcos, nahirapan na ako," ani Dolly Tolibas.

Sa kaniyang State of the Nation Address noong Lunes, sinabi ni Marcos na isa sa kaniyang prayoridad ang pagbabalik ng mandatory ROTC, na ipatutupad sa senior high school.

Taong 2001 nang mabalot ng kontrobersiya ang ROTC kasunod ng pagpatay sa University of Santo Tomas student na si Mark Welson Chua ng mga kapwa niya kadete matapos ibunyag ang korupsiyon at pang-aabuso sa ROTC.

Nang sumunod na taon, ginawang optional ang military training sa pamamagitan ng National Service Training Program (NSTP) Act of 2001.

Suportado naman ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbabalik ng mandatory ROTC.

Bukod sa disiplina para gampanan ang pagprotekta sa kapwa at sa bansa, maihahanda rin umano ng programa ang mga estudyante sa pagresponde sa mga kalamidad.

Tiniyak din ng DND at AFP ang pagkakaroon ng mas mabuting polisiya at matinding monitoring sa programa, pati na ang higit na pananagutan ng mga magpapatupad nito para hindi na maulit ang mga kaso ng korupsiyon at pang-aabuso noon.

— Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.