‘Hindi sacrificial lambs’: Mga kawani ng gobyerno, nagprotesta sa ‘rightsizing’ ng Marcos admin | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

‘Hindi sacrificial lambs’: Mga kawani ng gobyerno, nagprotesta sa ‘rightsizing’ ng Marcos admin

‘Hindi sacrificial lambs’: Mga kawani ng gobyerno, nagprotesta sa ‘rightsizing’ ng Marcos admin

Anjo Bagaoisan,

ABS-CBN News

Clipboard

Nagprotesta sa labas ng CHR sa Quezon City ngayong Miyerkoles, ika-20 ng Hulyo 2022, ang ilang kawani ng gobyerno para tutulan ang posibleng
Nagprotesta sa labas ng CHR sa Quezon City ngayong Miyerkoles, ika-20 ng Hulyo 2022, ang ilang kawani ng gobyerno para tutulan ang posibleng "rightsizing" sa pamahalaan. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Hiniling ng mga kawani ng gobyerno ngayong Miyerkoles na huwag silang gawing “sacrificial lambs” sa ngalan ng pagtitipid sa gitna ng planong “rightsizing” ng administrasyong Marcos.

Nagtipon sa Quezon City ang mga kinatawan ng mga unyon at iba pang asosasyon ng mga government workers para ipahayag ang kanilang pagtutol sa posibleng pagtanggal sa trabaho ng mga kasamahan nila kung ituloy ang planong "rightsizing".

Ayon sa Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE), may mga natanggap na silang ulat ng hindi pag-renew sa kontrata ng mga non-regular workers.

Apektado rin ang mga job-order o contract-of-service na tauhan ng mga tanggapan ng gobyerno, kaya panawagan nila, i-regular na sila.

ADVERTISEMENT

“Ang pagtitipid ay hindi sakripisyo, gawing sacrificial lambs ang mga kawani ng gobyerno,” sinabi ni COURAGE National President Santiago Dasmariñas, Jr.

Aniya, may iba pang paraan na pwedeng gawin ang pamahalaan para magtipid nang hindi nagbabawas ng kawani.

“Halimbawa, sa corruption, na hindi pa rin mapigil-pigilan, kinakailangan ‘yan ang unahin po. Non-payment of taxes—kolektahin ang mga hindi nagbabayad ng buwis—andami-dami po noon. Kung sakali po, magtipid. Hindi pagtitipid ang pagtanggal ng tao. Cut on expenses!”

Nag-aalala ang mga tulad ni Gian Siapo, 28, isang technical officer sa National Anti-Poverty Commission sa paghinto ng kontrata niya, na nire-renew kada 6 na buwan.

“Obviously, we’re in a crisis right now. So mahirap talaga ang buhay. Nagtataasan ang presyo ng bilihin at ‘yong tanging pamamaraan to keep us afloat ay mga trabaho namin,” sabi niya.

“Kung dahil wala kaming security of tenure na matatawag ay matindi talaga ‘yong dulot na anxiety saka ‘yong dulot nito sa well-being namin.”

Apat na taon na si Siapo sa NAPC, pero mas delikado aniya ang mga kasamahan niyang 10 taon o higit pa sa serbisyo pero hindi na-regular.

“Regularization—i-prioritize lalo na ‘yong longer serving na kawani. Of course, kung batay naman sa batas, ‘yong labor code, ‘yong 6 months, paglagpas dapat ma-regular na.”

Sa government employees summit, nagpahayag din ng pag-aalala ang ibang empleyado sa mga public utility sa pagsasapribado ng mga serbisyo ng gobyerno.

Nanawagan ang mga dumalo sa summit na magpasa na ng batas ang Kongreso o maglabas ng executive order si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para wakasan ang kontraktuwalisasyon at magtakda na ng national minimum wage na P25,000 kada buwan.

Suportado din nila ang pagsasabatas ng Public Sector Labor Relations Act para sa karapatan ng mga government workers na makapag-organisa, makipagnegosasyon sa sahod at benepisyo, at mag-strike.

Nagsagawa rin ang mga grupo ng kilos protesta sa labas ng Commission on Human Rights sa Quezon City para ipahayag ang kanilang mga hinaing.

Plano nilang ulitin ito sa State of the Nation Address ni Marcos sa darating na Lunes, Hulyo 25.

Nakiisa sina ACT Teachers Rep. France Castro at Kabataan Rep. Raoul Manuel na nagdetalye ng mga inihain nilang panukala sa Kongreso para mabigyan ng benepisyo ang mga government workers.

Naunang sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na makatitipid ang pamahalaan ng halos P15 bilyon kung mababawasan ng 5 porsyento ang mga tauhan ng gobyerno sa pamamagitan ng “rightsizing”.

Sa huling tala ng Civil Service Commission noong 2021, may 582,378 na job-order o contract-of-service na tauhan sa gobyerno.

Mahigit 2.3 milyon ang kabuuang bilang ng mga nagtatrabaho sa pamahalaan.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.