PatrolPH

72 anyos na babae nalunod sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2021 02:08 PM

BAUAN, Batangas - Isang 72-anyos na babae ang natagpuang patay sa karagatan ng Bauan, Batangas, Linggo ng hapon.

Ayon sa Philippine National Police, pagkalunod ang tinitingnang dahilan sa pagkamatay ng babaeng residente ng Barangay Aplaya sa nasabing bayan.

Sabi ng PNP, base sa salaysay ng kamag-anak, umaga ng araw ding iyon ay nakita pang naliligo sa dagat ang babae.

Makalipas ang isang oras, hindi pa rin umano ito nakauwi sa kaniyang bahay, kaya agad ipinagbigay-alam sa pamunuan ng barangay.

Agad nagsagawa ng search and rescue, at umabot sa retrieval operation.

Alas-5 na ng hapon nang makita ng dalawang lalaking naliligo sa dagat na sakop ng Barangay San Miguel sa nasabing bayan ang bangkay ng babae.

Nakatakdang isailalim sa autopsy ang bangkay ng senior citizen.

-- Ulat ni Andrew Bernardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.