PatrolPH

2 bata patay, 1 nawawala sa pagtaob ng bangka sa Cagayan

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2021 01:44 AM

Natagpuang patay ang dalawa sa tatlong batang natangay sa ilog sa bayan ng Solana, Cagayan noong Martes. 

Sa imbestigasyon ng Solana Police Station, nagkayayaan ang apat na umano’y magpipinsan na pumunta sa ilog sa bahagi ng Brgy. Natapian East para maligo. 

Sumakay umano sila ng bangkang kahoy, pero habang nagsasagwan ay biglang tumaob ito. 

Nakaligtas ang batang lalaki na marunong umanong lumangoy, habang nalunod ang tatlo niyang kasama na pawang mga babae. 

Miyerkoles ng hapon nang marekober ang bangkay ng 9-anyos at 11-anyos na mga biktima. 

Patuloy naman ang search and retrieval operation ng Philippine Coast Guard sa nawawalang bata na 11-anyos. 

Ayon sa pamahalaang barangay ng Natapian East, hindi umano alam ng mga magulang ng mga bata ang kanilang pagpunta sa ilog. 

—Ulat ni Harris Julio

KAUGNAY NA BALITA

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.