SONASERYE: Problema sa bigas, nasolusyonan ba ng rice tariffication?

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2019 09:16 PM | Updated as of Jul 16 2019 12:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasabatas ng rice tariffication law sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang taon.

Sa ilalim ng rice tariffication, tinanggal ang limitasyon sa importasyon ng bigas kasabay naman ng pagpapataw ng taripa sa imported rice.

Binuksan din ang bansa sa imported na bigas basta magbabayad ng tamang taripa nang hanggang 35 porsiyento. Layon noon ng panukala na bumuhos ang suplay ng bigas at bumaba ang presyo nito.

Naipatupad ang batas noong Marso 2019, pero magkaiba ang naging epekto nito sa mga mamimili at magsasaka.

Tugon ang panawagan noon ni Duterte sa pagsirit ng presyo ng bigas, na nadama ng ilang residente gaya ni Amalia Alcantara.

"Naranasan ko po minsan 1/4 ilulugaw ko po 'yun, ma'am, kasi para magkalaman lang sa sikmura ng anak ko, maghapon na po," ani Alcantara sa panayam noong Setyembre 5.

Noong nakaraang taon, naranasan ng ilang magsasaka, gaya ni Lito Ventura, na bumili ng bigas ng iba.

Hindi man aniya nagkulang sa suplay ng bigas pero naramdaman nila ang pagbagsak ng presyo ng palay, na nakaapekto sa kanilang trabaho.

"Bakit nangunguha pa sila sa ibang bansa ng bigas? Dito lang sa Nueva Ecija, tinawag nilang 'rice granary...' Ibig sabihin malawak ang bukid na pagkukunan ng Pilipinas," ani Liza Ventura, na asawa ni Lito.

Iginiit naman ng National Economic Development Authority (NEDA) na may ayuda namang ibibigay sa mga magsasaka para kaya nilang makipagsabayan sa magsasaka ng ibang bayan.

"There will be a P10 billion (budget) annually for the next 6 years na mapupunta sa mga magsasaka. We want them to be competitive," ani NEDA Assistant Secretary Mercedita Sombilla.

Pero buwelta ni Nestor Diego ng Ugnayan ng Magsasaka at Magbubukid sa Nueva Ecija, hindi makikinabang ang mga small-scale na magsasaka sa ayuda ng gobyerno sa rice tariffication.

"Ang kailangan ng magsasaka ay 'yung abot-kaya na pautang 'no para mas may kapital ka sa pagsasaka," ani Diego.

Kaakibat ng nalalapit na SONA, inaasahan ng mga magsasaka at mamimili na mapangangalagaan ang kanilang mga interes para maitaguyod ang pang-araw-araw na buhay.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.