Mga biktima 'tumilapon palabas, naipit' sa NLEX bus mishap

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2019 05:46 PM | Updated as of Jun 29 2019 08:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nahagip ng isang video na kinuhanan ng isang bystander ang malagim na insidente Biyernes ng gabi sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX). 

Sa isang Facebook live video, isinalaysay ng netizen na si Gerald Lasalita ang mga eksenang nakita niya makalipas ang aksidente: nagkalat na mga duguang katawan matapos bumaligtad ang isang Del Carmen Bus sa bahagi ng Valenzuela sa kasagsagan ng maulang gabi. 

Walo sa mga pasahero ng bus ang dead-on-the spot sa insidente, habang 10 naman ang sugatan. 

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung may pagpapabaya sa parte ng driver at ng Buena Sher Transport Corp. na operator ng Del Carmen bus. 

Suspendido na ng Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng Buena Sher. Kasama sa suspensiyon ang 19 units ng mga bus na bumibiyahe sa Cubao hanggang sa Sta. Maria Bulacan sa pamamagitan ng NLEX.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, maaaring masuspende ang prangkisa ng bus operator, depende sa imbestigasyon. 

Pagsasalaysay ni Lasalita sa kanyang video, kalat-kalat at duguan ang ilang katawan mula sa aksidente. Mayroon pa umanong naipit sa ilaim ng bus at sumampa ang katawan ng isang biktima sa concrete barrier. 

Makikita rin sa hiwalay na Facebook video ni Cristina Mae Ignacio ang ilang katawan na nakahilata sa kahabaan ng expressway. 

 

Bunsod nito, inabot ng anim na oras ang trapiko sa kahabaan ng NLEX kahit pa naitabi na ang bus sa gilid ng kalsada. 

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtordad, binabagtas ng bus at ng isang SUV ang southbound lane ng NLEX nang bigla umanong bumagal ang takbo ng SUV na nasa harap ng bus. 

Hindi kaagad nakapagpreno ang bus at nabangga nito ang naturang SUV. 

Sa Facebook post ng pasaherong si Francis Rendon, sinabi niyang hindi overloaded ang bus. Pero napansin niyang gumewang ang sasakyan bago bumangga sa center aisle ng kalsada at saka tumaob. 

Hinanap naman ni Angelo Ancajas ang kaniyang ama na si Norberto na sakay ng bus. Pero kalaunan ay nalaman niyang kasama ito sa mga nasawi sa aksidente. 

"Sana po may mangyari pong imbestigasyon dahil marami pong naulila sa nangyaring trahedya,” panawagan ni Ancajas. 

Ayon kay Jefferson Roman, team leader ng disaster risk reduction and management office ng Valenzuela, tumilapon ang anim sa mga pasahero ng bus. 

"Parang ano sila eh, lumabas po sa bintana 'yung mga tao. Tumumba po 'yung bus, naipit po sila sa bandang dibdib, siguro 'yun po 'yung sanhi ng pagkamatay nila," aniya nitong Biyernes. 

Depensa ng operator ng bus na Buena Sher, madulas ang kalsada dahil malakas ang ulan noong nangyari ang aksidente. 

Iginiit din nilang tinitingnan ang kanilang bus bago paandarin. 

"Ngayon lang po nangyari sa amin ito, ang inaano namin sa aming empleyado ay mag-ingat lalo na po sa hindi namin maiiwasan. Bilin po namin 'wag kayong mag-overtake, wala naman tayo hinahabol, buhay po ang ating hawak at dala ng driver," ani Roberto Viardo, operations manager ng Buena Sher. 

Tiniyak naman ng kompanya ng bus na sasagutin nila ang gastusin ng mga biktima. 

Kakasuhan din ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, at damage to properties ang drayber. 

-- Ulat nina Ernie Manio at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.