Transport group 'ibabalagbag, susunugin' ang mga jeep kapag di nakapasada

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 07:10 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nagbabala ang isang grupo ng mga jeepney operator na ibabalagbag at susunugin nila ang kanilang mga jeep, sakaling matuloy ang pagpapatupad ng isang memorandum na magbibigay umano sa mga modern jeepney ng ruta ng mga tradisyunal na jeep habang may general community quarantine sa Metro Manila. 

Batay sa Memorandum Circular ng LTFRB na nilagdaan noong Hunyo 19, para lang sa mga modernized jeep o mga "OFG Compliant" na sasakyan ang inilabas na rutang puwedeng pasadahan kapag naaprubahan na ito ng gobyerno. 

“Operators that have complied with the PUV Modernization program and have existing OFG compliant vehicles are given preference with the heirarchy of public transport modes consistent with DOTr guidelines dated May 29, 2020,” ayon sa memorandum. 

Para kay FEJODAP President Zeny Maranan, phaseout ang tinutumbok ng kautusan, kung saan umano tatamaan ang nasa 200,000 drivers at operators ng kanilang hanay sa buong bansa. 

Aabot sa 15,000 dito ang nasa Metro Manila, na ibabalandra umano at susunugin kapag natuloy ang pagpapatupad ng memorandum. 

"Talagang aalisin nila kami kung puwede sigurong magsunog na lang kami ng sasakyan namin at ibigay namin sa LTFRB ihambalang na lang namin sa LTFRB at bahala na sila … Tutal, gusto na nila kaming patayin, papatayin na itong mga operator na ito at pamilya nila, lubusin na nila!” Ayon kay Maranan. 

Sa ilalim umano kasi ng “rationalized routes” ilalaan sa mga modernized jeepney ang mga ruta na dapat para sa mga tradisyunal na jeepney. 

Nangangahulugan umano ito na wala na silang puwedeng pasadahan kaya pangamba ni Maranan, sarado na ang mga legal na opsyon para sa kanila. 

“Pagdating sa aming mga ruta sa mga tradisyunal na mga jeep, wala ‘yan. Ano kaya ang iisipin ng isang tsuper na nagugutom at ng isang operator kapag kumakalam na ang tiyan? Ano ang iisipin nito? ‘Di bale sana kung sila ang susugurin eh kung susugurin ng tsuper ang kapwa nilang tao para manghingi ng pagkain mang-agaw sila ng pagkain eh,” ani Maranan. 

Tatlong buwan na tigil-pasada ang mga tradisyunal na jeep sa Metro Manila gawa ng pandemya at nitong Lunes, pinayagang bumiyahe ang mga modern jeep. 

Hindi naman daw pinu-push ng mga opisyal kagaya niya ang karahasan o ano mang ilegal. 

Kaya lang, dumating na aniya sa punto na makakaisip talaga nang hindi tama ang mga umaaray na driver at operator para mairaos ang kanilang pang-araw-araw na buhay. 

Hindi naman daw anila sila makakahabol pa sa modernization dahil aminado ang Development Bank of the Philippines na wala nang maipapautang sa kanila. 

Sa pagdinig ng Kamara ngayong Miyerkoles, sinabi ng Department of Transportation na nagsumite na sila ng proposal sa Kamara para sa fuel subsidy ng PUV. 

Pero buwelta ni Maranan na maaaring mag-ugat lang umano ito sa korapsiyon gaya sa fuel subsidy na ipinagkaloob umano sa kanila noon. 

Para kay Maranan, pambobola lang ito dahil imbis na sa driver idiretso ang fuel cards ay binibigay ito sa mga operator kaya hindi rin umano ito nagamit. 

Giit din nina Maranan, dapat ilipat sa mga mayor at governor ang pagpasya kung kailangan na ang mga jeep sa lugar nila. 

Nanawagan muli sila na payagan nang makabiyahe dahil gagawa sila ng kanilang makakaya para lang mabigyan sila ng pansin. 

Laging ipinupunto ng DOTr na calibrated ang ginagawa nila ng rationalized routes.  — Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.