'Para saan pa 'yan': Grupo 'susunugin' ang kanilang mga jeep kung 'di pa magbabalik-pasada

Doris Bigornia, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 07:31 PM | Updated as of Jun 23 2020 08:55 PM

Watch more in iWantTFC

 

MAYNILA - Nagbanta ang isang jeepney transport group na susunugin nila ang mga pinapasadang jeep kung magpapatuloy ang kanilang tigil-operasyon sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ayon kay Efren De Luna, pangulo ng grupong ACTO, pangamba nilang ipapa-phase out ng gobyerno ang pamamasada ng mga tradisyunal na jeep, na natigil na nang 3 buwan sa gitna ng pandemya at quarantine measures na ipinapatupad ng gobyerno. 

Sa ngayon, pinapayagan lamang ang pagbabalik-operasyon ng mga modern jeepney sa Metro Manila, bagay na ikinadismaya ng kanilang hanay 

"Kung sakali at sinabi ng LTFRB na phase-out na kayo, ay mapipilitan kami na unti-unti ay sunugin na namin ang sasakyan namin. Aaanhin pa namin yung mga sasakyan namin na nakaimbak na? Kung hindi na bibigyan ng importansiya ng gobyerno eh di tutulungan na lang namin sila na alisin iyan," ani De Luna. 

"Kung gaano nag-aapoy ang aming sasakyan, ganyan din yun damdamin namin... Diyan namin kinukuha yung pagkain nang araw-araw... Bakit mo inaagaw yung hanapbuhay namin?" 

Matatandaang ilang beses nang umapela ang mga jeepney driver na bumiyahe muli ngayong wala silang kinikita matapos ang 3 buwang lockdown. 

Giit pa ni De Luna, pinaiikot-ikot sila ng gobyerno sa kabila ng kanilang mga apela na payagan muling magbalik-pasada. 

May iilan din na napapaulat na nanliimos, o kaya naninirahan na lang sa loob ng kanilang mga sasakyan. 

Una nang tiniyak ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na hindi naman daw sila magsasagawa ng phase out ng mga tradisyunal na jeep. 

"From the very start even before mag-pandemic, hindi naman. Ang ginagawa lang ng ating gobyerno is we modernize them. Hindi tayo nagpe-phase out ng type of mode mino-modernize lang natin," ani Joel Bolanos, LTFRB technical division head. 

Pero para kay De Luna, mas namamayagpag pa rin ang kakulangan ng budget ng mga tsuper sakaling umarangkada ang modernization. 

"Sa kahit anumang polisiya, dapat wala kang papatayin. Eh patay na kami. Wala na yung pagkukunan namin ng pagkain, pag-aaral etc. Ano’ng hiwaga meron diyan sa modernization na yan? Punong-puno ng graft and corruption ang modernization ng DOTr at LTFRB,” ani De Luna. 

Sinabi naman ni De Luna na makikipagdayalogo muna sila sa DOTr at LTFRB bago magsunog. 

Giit ng LTFRB, inaayos pa ang mga ruta at sa oras na maayos ito maaari na silang lumarga. 

Handa naman daw ang ACTO na patulan ang biyaheng palugi kaysa umuwi nang walang kinikita araw-araw. 

Hiling nila na pagdating ng katapusan ng Hunyo ay payagan na silang bumiyahe, pati na rin ang UV Express.  — Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.