PatrolPH

Alkalde sa bayan ng Alangalang, Leyte positibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2021 03:50 PM

Alkalde sa bayan ng Alangalang, Leyte positibo sa COVID-19 1
Nasa ospital ngayon si Alangalang, Leyte Mayor Lovell Anne Yu matapos magpositibo sa COVID-19. Larawan mula sa Facebook page na Lovely Alangalang

Nagpositibo sa COVID-19 ang alkalde ng bayan ng Alangalang, Leyte na si Lovell Anne Yu. 

Ito ang kinumpirma ni Yu at lokal na pamahalaan ng bayan matapos lumabas ang resulta ng kaniyang RT-PCR test. 

Ayon kay Yu, nagsimula siyang mag-self quarantine, Miyerkoles noong nakaraang linggo matapos ma-tag bilang secondary contact ng isang nagpositibo sa COVID-19. 

Pero ang ipinagtataka ng alkalde ay ang primary contact niya ay nag-negatibo sa sakit kaya hindi niya alam kung saan at kanino niya talaga nakuha ang virus.

Kwento pa nang alkalde sa kaniyang Facebook page, noong Biyernes nakaranas siya ng mga sintomas ng COVID-19, gaya na lang ng lagnat na umabot sa 38.7 degrees Celsius, ubo, panghihina ng katawan, at kawalan ng pang-amoy at panlasa. 

Sa ngayon, naka-admit sa ospital si Yu, sa payo na rin ng kaniyang doktor para maiwasan ang mga komplikasyon. 

Nanawagan si Yu sa mga kababayan na sundin ang minimum health protocols para maiwasan ang pagdami pa ng mga kaso ng COVID-19.

Samantala, muling nagpaalala naman ang alkalde hinggil sa ordinansang nagbabawal sa mga tatanggap ng bisita at makikipiyesta sa pagdirawang Sabado ng pista ng bayan ng Alangalang.

Ang mga mahuhuling lalabag sa ordinansa ay pagmumultahin ng P2,500.

Sa pinakahuling tala, may 52 active COVID-19 cases sa Alangalang. 

 KAUGNAY NA BALITA:

Watch more on iWantTFC

- Ulat ni Sharon Evite

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.