PatrolPH

Gunrunner sa likod ng online na bentahan ng baril tiklo sa Pasay

Anjo Bagaoisan , ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2021 07:03 AM | Updated as of Jun 17 2021 07:12 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Narekober ng pulisya ang 15 matataas na kalibre at iba pang uri ng baril na tinaguriang loose firearms sa kanilang buy-bust sa Pasay City at follow-up operation sa Cavite noong Martes.

Arestado ang 33-anyos na target na si alyas Chris.

Ayon sa Northern Police District (NPD) na nagsagawa ng operasyon, sangkot ang suspek sa ilegal na bentahan ng mga baril online pati sa gunrunning sa Metro Manila, Calabarzon at iba pang katabing-probinsya.

Nalaman ng NPD Special Operation Unit na idinadaan ang bentahan sa Facebook chat group ng mga gun enthusiast kaya ginamit ito para makipagkita sa suspek.

Sa entrapment operation sa isang gasolinahan sa Pasay, nasabat ang 5 baril kabilang ang sub-machine gun at mga 9mm, caliber .40 at caliber .45 na mga firearm. 

Kasunod nito, nakontak ng pulis ang asawa ng suspek sa lungsod ng Imus, Cavite at kinumbinsing isuko ang mga natitirang armas na nasa bahay nila.

Kasama sa 10 isinukong baril ay mga shotgun, carbine, assault rifle, sniper rifle, at revolver.

Narekober din ang mga bala, magazine, at bulletproof vest.

Kahaharapin ni Chris ang kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. 

Inaalam naman ang iba pang miyembro at source ng gunrunning group na kinabibilangan ng suspek. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.