2 gun runner patay sa engkuwentro sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2019 04:36 AM

MAYNILA—Patay ang 2 hinihinalang gun runner habang arestado ang isa nilang kasamahan sa engkuwentro laban sa mga pulis sa Santa Maria, Bulacan Martes ng madaling-araw.

Ayon kay Police Lt. Col. Charlie Cabranilla, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Camanava, nagkasa sila ng buy-bust operation para bumili ng baril sa mga suspek. Nagpadala na sila ng inisyal na bayad sa pamamagitan ng money transfer. 

Magkikita dapat sila sa Valenzuela City para kunin ang mga baril pero naurong sa Santa Maria, Bulacan.

Pagdating sa isang gasolinahan, nahalata umano ng mga suspek na mga pulis ang kanilang katransaksiyon kaya nagpaputok.

Nasawi ang 2 suspek sa isang sasakyan habang nahuli naman ang isa pa sa kabilang sasakyan.

Ayon sa CIDG-Camanava, grupo ng gun runners at tulak ng droga ang 3 na nago-operate sa Bulacan at Camanava. 

Itinanggi ng naarestong suspek ang mga paratang laban sa kanila.—Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.