Suspek patay sa Nueva Ecija drug bust matapos umanong manlaban

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2021 11:57 AM

Suspek patay sa Nueva Ecija drug bust matapos umanong manlaban 1
Mga ebidensiyang nakuha sa buy-bust operation sa Talavera, Nuva Ecija, kung saan napatay ang umano'y nanlaban na suspek, Hunyo 12, 2021. Retrato mula sa Talavera Municipal Police Station

Patay ang isang lalaki matapos umanong manlaban sa mga umaarestong pulis sa buy-bust operation sa Talavera, Nueva Ecjia, umaga ng Sabado.

Ayon kay Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng Talavera police, nakatunog ang suspek na si alyas "Oli" na pulis ang katransaksiyon nito kaya bumunot ng baril at pinaputukan ang mga awtoridad.

Nang gumanti ng putok ang mga pulis, tinamaan umano ang suspek, na naging dahilan ng pagkamatay nito.

Ilang linggo nang minamanmanan ng mga awtoridad ang suspek, ayon sa pulisya.

Nakuha sa crime scene ang 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P102,000.

Nitong simula ng Hunyo, isa ring drug suspek ang namatay sa parehong bayan matapos din umanong manlaban sa mga pulis.

Noong nakaraang buwan, isang 42 anyos na lalaki rin ang nasawi sa Talavera matapos umanong paputukan ang mga pulis sa buy-bust operation.

— Ulat ni Gracie Rutao

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC