Matandang babae patay matapos mabangga ng kotse sa Dumangas, Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2021 12:42 PM

Namatay ang 74-anyos na babae matapos mabangga ng kotse habang tumatawid sa Dumangas, Iloilo. Larawan mula sa Bureau of Fire Protection Dumangas

Patay ang isang 74-anyos na babae matapos mabangga ng isang kotse sa Barangay Pagdugue, Dumangas, Iloilo, Biyernes ng umaga.

Sa imbestigasyon ng Dumangas Police, tumatawid sa kalsada ang biktimang si Desposoria Formalidad nang bigla itong mabangga ng kotse na patungong Iloilo City.

Sa lakas ng pagkabangga ay tumilapon ng ilang metro ang biktima at nabagok ang ulo nito sa semento.

Hindi naman nasugatan ang driver ng kotse pero basag ang windshield at wasak ang bumper nito.

Kaagad na dinala sa ospital ang bikima pero idineklara na itong dead on arrival dahil sa malubhang sugat sa ulo at bali sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide ang sumukong driver.

- Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.