Bagyong Dante nagdala ng pagbaha, landslide sa ilang probinsiya | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Bagyong Dante nagdala ng pagbaha, landslide sa ilang probinsiya

Bagyong Dante nagdala ng pagbaha, landslide sa ilang probinsiya

ABS-CBN News

 | 

Updated Jun 03, 2021 03:45 PM PHT

Clipboard

(2ND UPDATE) Matinding pagbabaha at landslide ang sumalubong sa mga residente ng ilang probinsiyang apektado ng bagyong Dante magmula Martes.

Sa Maasin City sa Leyte, nakuhanan ni Beverly Lorzano-Donato ang matinding pagbaha.

Ayon kay Lorzano-Donato, naranasan ang malakas na pag-ulan sa kanilang lugar na nagdulot ng pagbaha.

Roselyn Sanchez
Roselyn Sanchez
Rosales Juaniza Tizzel
Rosales Juaniza Tizzel
Rosales Juaniza Tizzel
Beverly Lorzano-Donato

Pinalikas din sa mas ligtas na lugar ang 26 na pamilya sa Barangay Biasong sa bayan ng Tomas Uppos sa Southern Leyte dahil sa banta ng landslide.

ADVERTISEMENT

Ayon sa residenteng si Evelyn Cerro, naiyak siya sa matinding takot pero nagpapasalamat siyang nakaligtas sila sa baha.

“Grabe talaga yung dalawang oras lang, ang taas na ng tubig. Daming nasirang gamit tsaka yung paninda kong ukay-ukay, basang-basa po,” ani Cerro.

Nagkaroon naman ng landslide sa Zone 3 at 4 ng bayan ng Biliran sa Biliran. Walang nasaktan sa nangyari. Suspendido na rin ang klase sa lugar.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakuhanan naman ng video ni Lourd Ricardo Araneta ang pagpasok ng tubig sa 12 classroom ng Balaguid Elementary School sa Cabucgayan sa Biliran.

Courtesy: Lourd Ricardo Araneta

Kuwento ni Araneta, guro sa lugar, pagpasok nila sa paaralan ay nakita na nila ang tubig-baha. Umapaw kasi anila ang ilog sa likod ng paaralan.

Nabasa ang mga gamit ng silid-aralan gaya ng instructional materials at modules na ginagamit ngayong ipinapatupad ang distance learning.

Samantala, nagsiuwian na ang halos 5,000 indibidwal sa Butuan City na naapektuhan ng pagbaha.

Pansamantala silang sumilong sa evacuation centers sa kanilang barangay nang bumaha. Naghatid na rin ng relief goods ang city social welfare and development office ng lugar.

Binaha rin ang Barangay Esperanza Balaquid at Sitio Basud, kung saan sinagip ang ilang mga residente, batay sa kuha ni Dong Ramirez.

Nagdeklara ng suspensyon ng klase at trabaho ngayong Miyerkoles sa Cabucgayan.

May ilan namang kalsada ang naapektuhan ng mga landslide mula Martes gaya ng Mantalongon-Badian Road sa Dalaguete, batay sa ulat ng DPWH Regional Office VII.

Nagsagawa rin ng clearing operations ang tanggapan sa ilang lugar sa Tagbilaran dahil sa mga baha.

Nalubog din sa baha ang maraming bahay sa Odiongan, Romblon kaya iniutos ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na ilikas ang mga residente.

Abot balikat ang pinakamataas na baha na nararanasan sa ilang barangay sa bayan.

Ayon kay MDRRMO head Bersabe Fornal, marami na ang na-rescue at iniutos na rin ang puwersahang paglilikas.

“Mayroon po kami na-rescue sa isang Barangay na apat na bata, inilipat po sila sa isang Barangay na hindi bahain. Tapos mayrong families. Hindi ko pa ma-account kung ilan yun, pero ang nagre-rescue na po ngayon sa kasalukuyan ay yung mga army po namin at mga kapulisan," ani Fornal.

"Mayroon din po kami sa Barangay Tulay na pinuntahan na rin po ng mga pulis na ire-rescue. Ang Barangay Budiong , kanina, sinabihan namin talagang kukunin na namin ang mga tao. Tapos yung Barangay Dapawan, forced evacuation na po talaga kasi pinadalhan na po namin ng mga army, kukunin na mga tao, ililipat sa eskwelahan," dagdag niya.

Hindi pa mabilang sa ngayon kung gaano karami ang naililikas na mga residente, bagama’t may mga nakahanda nang pagkain ang lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Fornal na kakailanganin din ng tulong kapag dumami pa ang mga ililikas at tumagal ang sitwasyon.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Aabot sa 3 tao ang namatay habang isa ang nawala dahil sa bagyo.

Sa ngayon ay anim na beses nang nag-landfall ang bagyong Dante, pinakahuli nitong alas-2 ng hapon ng Miyerkoles sa Pola, Oriental Mindoro.

Inaasahan pa ang malalakas na ulan ngayong gabi ng Miyerkoles sa Southern at Central Luzon dahil sa bagyo.

Base sa 5 p.m. bulletin ng state weather bureau na PAGASA, nasa karagatan ng Calapan, Oriental Mindoro ang bagyo.

Base rin sa nasabing bulletin, napanatili ng bagyong Dante ang lakas ng hangin na 65 kilometro kada oras at pagbugsong 90 kilometro kada oras.

Kumikilos din ito pantungong silangan hilagang-silangan sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Nakatakdang lumabas sa West Philippine Sea ang bagyo umaga ng Huwebes.

— May mga ulat nina Dennis Datu ng ABS-CBN News, at nina Lorilly Charmane D. Awitan, Jenette Ruedas, Sharon Evite, at Ranulfo Docdocan

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.