ALAMIN: Ano ang layunin ng pagsasabatas ng 4Ps

ABS-CBN News

Posted at May 24 2019 02:31 PM | Updated as of May 24 2019 02:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kamaikailan ay isinabatas ang Republic Act (RA) 11310 na ginagawang permanente ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act. 

Ang 4Ps ay isang programa noong nakaraang administrasyon na layong puksain ang kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng cash assistance at iba pang ayuda kapalit ng ilang kondisyon.

Ayon kay Atty. Noel Del Prado sa "Usapang de Campanilla," layon ng batas na "itawid" ang ilang pamilya mula sa kahirapan. 

Sa ilalim nito, pitong taon mabibigyan ng ayuda ang mga mahihirap na pamilya para makatulong na maiayos ang kanilang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon, lalo na ng mga bata. 

"Ang batas na ito, 7 taon lang... kasi nga... ibig sabihin itinatawid ang pinakamahirap na pamilya papunta sa [estado] na kaya na nilang tumayo sa sarili nilang lakas," ani Del Prado. 

Bago mapasama sa programa, gagawa ng pagsusuri ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para malaman kung kabilang ang mga pamilya sa pinakamahihirap sa bansa. 

Isa rin sa mga kondisyon sa ilalim ng 4Ps ay ang 85 porsiyentong attendance rate sa paaralan ng mga estudyante mula sa pamilyang kabilang sa programa. 

Maaari namang palawigin ng National Advisory Committee (NAC) ang pamamahagi ng ayuda sa isang pamilya lagpas ng 7 taon kung may makikita silang mga "exceptional circumstances."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.