MAYNILA -- Nagdadalawang-isip ang ilang residente ng Estero de Magdalena sa Maynila sa napipintong relokasyon nila matapos maapektuhan ng nabuwal na puno ng Balete.
Magugunitang natumba noong gabi ng Miyerkoles ang isang Balete sa mga bahay sa komunidad, dahilan ng pagkasawi ng 2 residente.
Matapos ang insidente ay inilikas ang 13 pamilya sa Delpan evacuation center.
Pero mayroong mga residenteng gaya ni Shirley Esquirto na nanatili sa may estero.
Malapit kasi umano ito sa Divisoria kung saan siya nagtitinda ng inihaw na pusit.
Handa umanong lumikas si Esquirto sa kondisyong may kabuhayan sa kanilang lilipatan.
"Kasi wala kami kabuhayan pagna-relocate kasi walang buhay, walang trabaho," ani Esquirto.
Handa ring lisanin ni Melody Esquirto ang estero subalit inaalala ang pag-aaral ng kanyang mga anak.
"Kung pupwede wag naman po sana kami dalhin sa malayo, hanapbuhay namin andito at nga anak ko rito nag-aaral," sabi niya.
Nakikipag-ugnayan na ang Barangay 294, na nakakasakop sa estero, sa National Housing Authority kaugnay sa lilipatan ng halos 40 pamilyang nakatira sa komunidad.
"Sabi nila (NHA) aayusin na nila kung paano sila ire-relocate. Ang alam ko sa Cavite," anang barangay chairwoman na si Marissa Sabado.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Maynila, matagal nang nakaplano ang relokasyon ng mga nakatira sa estero subalit naantala ito ng COVID-19 pandemic.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.