MAYNILA - Laking pasasalamat ng isang pamilyang napilitang tumira sa isang pampasaherong jeepney sa mga tulong na patuloy na dumarating sa kanila sa gitna ng coronavirus crisis.
"Sa lahat ng nag-abot ng tulong sa amin at tumulong sa amin maraming maraming salamat po, malaking tulong po ito sa amin," sabi ni Erlin Coquia.
Mula Maynila ang pamilya ni Coquia pero sa Barangay Sienna sa Quezon City sila napadpad matapos na ialok ng jeepney operator ng kaniyang asawa na sumilong muna sa unit na dating pinapasada nito habang may enhanced community quarantine (ECQ).
Jeepney driver ang asawa ni Coquia na natengga din matapos na ipagbawal ang pamamasada dahil sa ECQ. Isa't kalahating buwan na silang naninirahan sa jeepney.
"Pinaalis kami sa inuupahang bahay binili na siya at tiniran kaagad ng bumili. Dito na kami nag-stay habang may ECQ. Kung walang ECQ na ito siguro nakahanap kami ng bagong malilipatan agad at 'di kami nakatira sa jeep na ito," sabi ni Coquia.
Sa loob ng jeep na nagluluto, kumakain at natutulog ang pamilya. Kasama ng mag-asawa ang tatlong anak na edad 11, 3 at 2.
Kuwento ni Erlin, mas marami ang tumutulong sa kanila matapos na maipalabas sa TV Patrol ang kalagayan ng kanilang pamilya.
"Maraming nag-aabot ng tulong simula nang ma-interview kami, marami pong nagpupunta at saka nagpapaabot ng tulong dito sa amin," sabi niya.
Tumawag na rin aniya ang alkalde ng Antipolo City para mag-alok ng pansamantalang tirahan ng pamilya habang may ECQ pero nag-aalala sila dahil sa layo ng lugar sa trabaho ng kaniyang asawa.
"May tumawag po sa amin may nag-offer po, mayor ng Antipolo. Habang ECQ mayroon po kaming matirahan, doon muna kami. Sabi ng asawa ko, malayo daw po at dito daw ang hanapbuhay niya sa Quezon City," saad niya.
Sakaling makatanggap ng alok mula sa mga pamahalaang lungsod ng Maynila o Quezon City para sa pansamantalang tirahan, tatanggapin nila ito.
"Para po sa mga bata, para makapagpahinga ng maayos," sabi ni Coquia.
- May ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Metro Manila lockdown, pamilyang tumira sa jeep, ECQ, Tagalog news, Metro news, Pamilya nakatira sa jeep, TV Patrol, Jervis Manahan