Lanao mayor ibinenta ang kaniyang mga sapatos para sa COVID-19 frontliners

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 12:52 PM | Updated as of Apr 28 2020 01:58 PM

Napapaligiran si Amai Manabilang Mayor James Manabilang ng mga collector's item na sapatos na kaniyang napagdesisyunang ibenta para makatulong sa mga pulis, sundalo, nurse at doktor na tumutugon sa novel coronavirus disease. Larawan mula sa Amai Manabilang government

MANILA - Ibinenta ni Amai Manabilang Mayor James Manabilang ng Lanao Del Sur province ang kaniyang koleksyon ng 24 na pares ng sapatos upang makalikom ng pondong pang-ayuda sa mga frontliner sa COVID-19 pandemic. 

Nasa 5 taon inipon ng alkalde ang mga naturang collector’s item na sapatos, at ibinenta niya ito nang kalahati sa orihinal na presyo.

Makakakolekta si Manabilang ng P350,000 kung mabibili ang lahat ng pares. 

“Matagal ko nang hindi nagagamit ang aking mga sapatos kaya naisipan ko na ibenta na lamang ito para mapakinabangan,” sabi ni Manabilang.

“Ibibigay ko ito sa Cagayan de Oro na itinuring ko nang pangalawang tahanan. Ibibili ko ang pera ng pagkain para ipamahagi sa mga frontliners na police, army, mga nurse at doktor,” dagdag niya.

Patuloy namang namimigay ng relief packs ang lokal na pamahalaan ng Amai Manabilang sa higit 3,000 pamilya sa bayan. 

Maliban sa karaniwang ayuda na bigas, de lata at noodles, namamahagi rin ng whole dressed chicken sa mga residente para makapaghanda sila ng masarap na pagkain pagkatapos ng oras ng puasa ngayong panahon ng Ramadan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.